Ang celebrity couple na sina Billy Crawford at Coleen Garcia, ay isa sa hinahangaang mag-asawa sa industriya ng showbiz. Nagsimula sa pagiging magkatrabaho, nauwi sa pagkakaibigan hanggang sa nahulog sa isa’t isa, at natagpuan ang tunay na pag-ibig sa katauhan ng bawat isa. Ganito nga ang naging kwento ng pag-iibigang Billy at Coleen.
At noong April 2018 nga, ang tamis ng kanilang pag-iibigan ay pinatunayan nila sa isa’t isa sa kanilang pag-iisang dibdib na ginanap sa Balesin Island. Dahil nga talagang nasubok na ng panahon ang kanilang pagmamahalan, ngayon nga ay dalawang taon na silang masayang nagsasama bilang mag-asawa.
Mas lalo namang naging makulay at masaya ang pagsasama ng mag-asawang Billy at Coleen sa pagdating ng kanilang panganay na anak na si Baby Amari. Si Baby Amari ay isinilang ni Coleen noong nakaraang buwan sa pamamagitan ng water birth sa loob ng kanilang tahanan.
Kitang-kita nga ni Billy kung gaano nahirapan ang asawang si Coleen sa panganganak sa kanilang munting anghel. Sa isang panayam nga, matatandaan na sinabi ni Billy na labis ang paghanga niya sa kanyang asawa sa ginawa nitong sakripisyo maisilang lamang ang kanilang panganay na anak.
Dahil nga, sa hirap at sakripisyong ginawa ni Coleen, ay labis itong minahal ni Billy na kung saan ay hindi mapapalitan ng anumang halaga. Mahal na mahal nga ni Billy si Coleen, hindi lamang bilang kanyang asawa, kundi bilang ina ng kanyang anak.
“Once ‘yung experience na makikita mo ‘yung natural birth at its finest… ‘yung nasasaktan siya pero sinasakripisyo niya lahat para malabas lang ‘yung anak mo, ‘yung pagmamahal mo at ‘yung beauty ng moment na ‘yun, hindi mo mae-explain. Sa buong buhay ko, hindi ko ipagpapalit ‘yung day na pinanganak ‘yung anak namin.”
Ngunit, sa kabila ng ipinapakita nilang matatag at matamis na pagmamahalan, ay tila may mga tao namang malaki ang pagdududa sa kahihinatnan ng kanilang pagsasama.
Kamakailan nga, ay hindi na nakapagtimpi ang TV host na si Billy, na sagutin ang isang netizen na nagbigay ng di kanais-nais na komento sa post niya sa Instagram sa larawang kasama ang kanyang anak na si Baby Amari.
Ayon nga sa komento ng basher, ay maghihiwalay din umano si Billy at Coleen pagdating ng panahon.
“Katagalan pag sinubok kayo ng panahon maghihiwalay din kayo ng mama niyan,”saad ng basher.
Matapos ngang mabasa ni Billy ang komento ng basher, ay hindi niya ito pinalampas at agad na sinagot ang komento nito.
Walang pakundangang binigyan ng dalawang kasagutan ni Billy ang basher. Ayon nga kay TV host, una, ay hindi umano mapipigilan pa ang masayang pagsasama ng dalawang pusong nagmamahalan kapag ang sentro nito ay ang Panginoon. Pangalawa, ay nagagawa pa umano nitong makadagdag ng negatibong kaisipan sa gitna ng pandemya.
“First of all, ‘pag ang Panginoon ang nasa gitna ng relationship mo, nothing can stop it. Second, itong panahon natin ng pandemya, nag-iisip ka pa ng dagdag negatibo sa mundo.”
Sa huli ay minabuti parin ni Billy ang maging mahinahon at isipin parin kung ano ang makakabuti sa basher.
“May God guide you and keep you and your family safe from harm. ‘Wag kang mag-alala, ipagdadasal namin ng asawa ko ang kabutihan mo.”