World Boxing Champion na si Donnie ‘Ahas’ Nietes, Hindi Ikinakahiya na Pagtitinda ng Gulay ang kanyang Pinagkakaabalahan Ngayong Pandemya

Si Donnie ‘Ahas’ Nietes ay isang kilalang mahusay na boksingero at tinaguriang longest reigning Filipino boxing world champion’. Talaga nga namang isa si Nietes sa ipinagmamalaki ng Pilipinas pagdating sa larangan ng boxing. Ngunit, halos dalawang taon na siyang hindi nakakatapak sa loob ng ring na mas lalo namang nawalan ng laban dahil sa pagsasara ng ALA Boxing Promotions noong Agosto, kung saan siya kabilang bilang isang mahusay na boksingero.




At sa pagdating ng pandemya, ay isa rin siya mga mamamayan na naapektuhan ng krisis.At dahil nga, wala namang laban sa loob ng ring ay naghanap muna ang boksingero ng alternatibong pagkakakitaan upang kumita ng pera.

Nang makapanayam nga ni sports analyst na si Dennis Principe si Nietes, ay proud niyang ibinahagi na habang nakikipagsapalaran sa gitna ng pandemya ay may pinagkakaabalahan siyang maliit na negosyo. Ito nga ang pagtitinda niya ng gulay, kimchi at bigas na malaking tulong sa kanya ngayong walang laban at nasa gitna ng pandemya

“Sa ngayon kasi galing pa tayo sa pandemic. Hindi pa tayo nag-iisip tungkol sa boxing, nag-sideline muna ako ng kaunting negosyo. Nagtitinda ako ng chorizo, kimchi at mga gulay at bigas. Iyan ang pinagkakaabalahan ko during the pandemic.”




Samantala, pagbabahagi ni Nietes, ito raw ang unang pagkakataon na sumubok siyang magnegosyo dahil sa krisis na nararanasan. Ngunit, ayon naman sa tinaguriang ‘Ahas’ pagdating sa loob ng ring at world champion sa boxing, ay hindi niya ikinakahiya at wala siyang pakialam sa sasabihin ng iba kung pagtitinda ng gulay ang pinagkakaabalahan niya ngayon. Ang mahalaga para sa boksingero ay kumikita siya ng pera sa marangal na paraan upang mabuhay.

“I don’t care kung anuman ang sasabihin nila, nagtitinda ako ng gulay o kimchi. Buhay ko ‘to eh. Kailangan kong mabuhay, kailangan kong kumita ng pera.”

Naikwento rin ni Nietes na may taong nagkukumbinsi umano sa kanya na bumalik sa boksing ngunit, sa ngayon ay nakikipagnegosasyon pa. Kaya naman, habang wala pang laban at nasa gitna ng krisis ay ini-enjoy niya ang pagtitinda ng gulay upang kumita ng pera.

Ilang ulit nang nagkamit ng parangal si Nietes. Isa nga siya sa tatlong Asian boksingero na nagkamit ng world titles sa apat na weight classes kung saan nakasama niya ang mga kapwa Filipino na sina Manny Pacquiao at Nonito Donaire. Kaya naman, labis siyang ipinagmamalaki ng sambayanang Pilipino. At noong 2014 nga, ay matagumpay niyang nalampasan ang record ni Gabriel “Flash” Elorde para maitanghal na longest-reigning Filipino boxing world champion.

Nakakabilib rin ang boxing record ni Nietes na may 42 wins, 1 loss at 5 draws na talaga namang pinatunayan ang galing ng mga Pilipino sa buong mundo. Ang huling laman niya ay noong Disyembre 31, 2018 kung saan nakatunggali niya si Kazuto Ioka mula sa Japan kung saan nasungkit niya ang bakanteng WBO junior-bantamweight title.

Talaga namang kahanga-hanga ang galing ni Nietes pagdating sa laban sa loob ng ring, ngunit kahanga-hanga rin ang kanyang pagiging madiskarte upang kumita ng pera sa gitna ng pandemya.

Ang plano ni Donnie Nietes: Marquee fights, Olympics o retire na?