Nagsimula ang karera ng aktres na si Claudine Barretto noong taong 1992 sa showbiz sa youth-oriented show na ‘Ang TV’. Hanggang sa nakita na nga sa aktres ang husay at talento nito sa pag-arte, kung kaya’t hindi mabilang na pelikula at teleserye ang kanyang ginampanan. Dahil nga, ipinamalas ni Claudine ang kanyang natatanging husay pagdating sa drama na talaga namang nagpaantig sa mga puso ng kanyang mga tagahanga, ay binansagan siyang “The Optimum Star.”
Ngunit, bago pa man makamit ni Claudine ang kanyang matagumpay na karera, ay hindi naging madali ang lahat sa kanya na pasokin ang mundo ng showbiz. Ito nga ay dahil hindi siya pinayagan ng kanyang mga magulang na pasokin ang mundo ng showbiz. Kung kaya’t gumawa si Claudine ng paraan upang mapapayag ang mga ito.
Sa online show na PELIkwentuhan sa Facebook page ng EBC Films kung saan nakapanayam siya ni Gladys Reyes, binalikan ni Claudine ang kung paano siya nakapasok sa showbiz.

Sa pagbabalik-tanaw ni Claudine, ibinahagi niya na ayaw pumayag ng kanyang mga magulang na pasokin niya ang showbiz at maging artista. Payag umano ang mga ito na umarte siya, ngunit hanggang sa teatro lamang.
“Before Ang TV, nag-Repertory Philippines ako. So, teatro talaga ang pinasok ko at 10 years old. Tapos eleven years old sa Repertory nakuha ko yung lead ng Grease ni Olivia Newton John at John Travolta. Nanood si Douglas Quijano ng play ko.”
Hindi naman sumuko si Claudine na kumbinsihin ang mga magulang sa kagustuhan niyang maging artista. Kaya, kinulit niya nang kinulit ang mga ito, ngunit, ayaw parin siyang payagan. Ito nga, ang panahon kung kelan inalok na siyang maging bahagi ng ‘Gwapings’ movie. Dito na umano siya pinatawag ng Head ng Star Magic na si Jonhny Manahan.
“Ayaw pumayag ng parents ko na mag-artista pa rin talaga ako. During that time, kinukuha pa lang nila ako for Gwapings the Movie. Yung kay Abby Viduya (a.k.a. Priscilla Almeda) na role. Yung parents ko ayaw talaga na mag-artista ako. Ang usapan namin hanggang theater lang talaga. Tapos wala na, wala nang iba.”
Ayon pa kay Claudine, ang dahilan umano kung bakit ayaw siyang payagang pumasok sa showbiz ay puno ng intriga at sadyang napakagulo sa mundo ng showbiz. Samantalang kung sa teatro umano siya, ay makakapag-arte siya nang tahimik ang kanyang buhay at magkakaroon siya ng normal na buhay na malayo sa anumang eskandalo.
“Gusto lang siguro nila na for me is to live a normal life… ‘Since gusto mo naman umarte sa theater, mag-theater ka na lang. Wala namang mga intriga doon. Walang scandals.”
Dahil ayaw paring pumayag ng kanyang mga magulang, ay nagkunwari umano siyang sang-ayon na sa mga ito. Ngunit, lingid sa kaalaman ng kanyang mga magulang, ay malaki talaga ang pagnanais niyang makapasok sa showbiz.
At dumating rin raw ang puntong nagrebelde siya sa kanyang mga magulang kung saan nagpa-hunger strike umano siya hanggang sa ma-hospital para lamang payagan na siyang mag-artista.


“Nilinlang ko sila, eh. Sabi ko, okay na sa akin ang theater. Pero nung dumating na yung point na in-offer ang Ang TV sa akin, hindi talaga ako kumain. Nag-hunger strike ako. Nagpa-ospital talaga ako para pumayag (sila).”
Matapos nga ng nasabing insidente, ay pinayagan na siya ng kanyang mga magulang na pasukin ang showbiz at mapabilang sa programang ‘Ang TV’.
Nagsimula si Claudine noon sa paggawa ng TV Commercials bago tuluyang makapasok sa showbiz at maging isang ganap na artista.