Anak ni Jericho Rosales na si Santino Rosales, Mainit na Tinanggap ng Viva Artists Agency

Maraming bagong mukha nga ngayon sa entertainment industry ang magsisimula pa lang sa pagtahak sa kanilang napiling larangan. Noong August 12, ay naging mainit ang pagtanggap ng Viva Artists Agency sa bagong talent na si Diego Loyzaga. At isang araw nga lang ang nakalipas ay may bagong artistang aabangan na naman sa Viva Entertainment, ito nga ang anak ng aktor na si Jericho Rosales na si Santino Rosales. Naging mainit rin ang pagtanggap ng talent management kay Santino bilang bagong contract artist ng nasabing agency.




Si Santino ay anak ni Jericho Rosales sa dati niyang nakarelasyon na isang modelo na si Kai Palomares. Bagama’t, hiwalay na sina Jericho at Kai, ay nagkakasundo naman sila alang-alang sa kanilang anak na si Santino. At ngayon nga, ay pareho silang masaya sa landas na tatahakin ng kanilang anak.

Hindi naman maikakaila ang magandang katangian ni Santino na namana niya sa kanyang mga magulang. Sa taas nga ng binata na 6-footer sa edad na 20 taong gulang, hindi maitatanggi na bagay na bagay rito ang pagiging isang modelo. Sa edad pa lang na 17, ay sinundan na ni Santino ang yapak ng kanyang ina bilang isang modelo. At ngayon nga, ay isa siyang Professional runway model at miyembro din ng Professional Models Association of the Philippines.




Samantala, ang hobby naman ng ama niyang si Jericho sa pagsu-surfing ay nakahiligan na rin niya. Ngunit, maliban dito ay malaki rin ang pagkahilig ni Santino sa larong football. Sa katunayan nga nito ay player siya ng Kaya Futbol Club, isang professional football team sa Makati.

Sa murang edad naman ay naging bukas na ang isipan ni Santino sa pagnenegosyo. Bago pa man dumating ang pandemya ay binuksan na nila ng kanyang ina ang pagmamay-aring restaurant business na pinangalanan nilang KAISANT Skews & Brews na matatagpuan sa Parañaque City.




Sa kabila naman ng pagiging abala ni Santino bilang modelo at negosyante, ay isa rin siyang estudyante ng Interdisciplinary Business Studies sa De La Salle University.

Samantala, ayon naman kay Santino, ay wala umano siyang balak sundan ang yapak ng ama sa showbiz sa larangan ng pag-arte. Dahil ang dahilan umano ng kanyang pagpirma ng kontrata sa ilalim ng Viva Artists Agency ay upang palawakin ang kanyang karera bilang isang modelo. Maliban dito, ay nais rin niyang maging mahusay na host at magkaroon rin ng mga product endorsement.