Silipin Ang Naging Buhay Ng Dating Child Star Na Si Maybelyn Dela Cruz Matapos Ang Kanyang Showbiz Career

Natatandaan niyo pa ba ang cute na cute na ‘90s child star na si Maybelyn dela Cruz? Gumanap siya dati bilang anak ni Aling Ason sa sikat na comedy series na “Home Along Da Riles” na pinagbibidahan ni late “Comedy King” Dolphy Quizon.



Marami marahil ang nagtataka kung nasaan na kaya siya ngayon at kung ano na ang latest update sa kanyang buhay matapos niyang iwan ang kontrobersyal na mundo ng showbiz.

Bago pa man natin ‘yan talakayin, magbalik tanaw muna tayo sa naging parte niya sa lokal na industriya ng showbiz. Nagsimula si Maybelyn bilang child star ng Kapamilya network noong 1992, kasabay ng paglabas din niya bilang ang 10-year-old na pamangkin ng karakter ni Dolphy sa “Home Along Da Riles” na umere sa telebisyon hanggang 2003.

Noong 2007, lumabas siya sa GMA network sa programang Impostora na pinagbibidahan ni Sunshine Dizon at Iza Calzado. Ang ilan pa sa mga naging teleserye na kinabilangan niya ay ang Babangon Ako’t Dudurugin Kita, Gaano Kadalas Ang Minsan? (2008), at Dapat Ka Bang Mahalin? (2009). Sa parehong taon ay lumabas din siya sa TV remake ng 1985 film na “Tinik Sa Dibdib,” gumanap siya bilang si Choleng: na orihinal na ginanapanan ni Beth Bautista.

Ikinasal ang dating aktres kay Dagupan councilor Michael Fernandez noong Enero 20, 2008 sa Manila Metropolitan Cathedral. Ayon sa ulat, unang nagtagpo ang dalawa ng naging host si Maybelyn sa National Assembly of the Philippine Councilors League (PCL) noong 2005.



Matapos ang ilang taon, sumunod na rin siya sa yapak ng kanyang asawa at sumabak sa mundo ng politika. Itinalaga siya bilang city councilor ng Dagupan noong 2010 at nakuha naman niya ang pinakamataas na bilang ng boto matapos niyang mare-elect noong 2013.

Ang kanyang termino bilang konsehal ng nasabing lungsod ay nagtapos nitong nakaraang taon, subalit ang pumalit naman sa kanya ay ang kanyang asawa matapos nitong manalo sa nakaraan 2019 May elections.

Maliban sa kanyang tungkulin, abala din ang dating aktres sa kanyang volunteer work sa Philippine National Red Cross (PNRC) at sa pagiging board chair ng Red Cross Pangasinan.

Hindi man agad biniyayaan ng supling ang mag-asawa, laking tuwa ni Maybelyn at Michael ng isilang niya ang kanilang unang anak na si Mia Olivia Fernandez noong Pebrero 2017.

Base pa sa ulat, sumailalim di umano ang dating aktres sa proseso ng in-vitro fertilization sa Lee Women’s Hospital (LWH) sa Taichung, Taiwan, at naging ang successful ang kanyang pagbubuntis noon lamang 2016.



Kaya naman sa kasalukuyan abalang-abala si Maybelyn sa kanyang responsibilidad bilang first-time mom sa kanyang 3-taong-gulang na anak at sa pagiging supportive na maybahay sa kanyang politician husband.