Sabi nga nila may mga bagay na minsan talaga ay wrong timing o yung mga bagay na nangyari sa hindi tamang panahon. Kagaya na lang marahil ng pelikulang “Through Night and Day” nila Paolo Contis at Alessandra de Rossi na ngayon nga ay kaliwa’t kanan ang nakukuhang atensyon mula sa mga manonood.
Pero sa totoo lang halos dalawang taon na ang nakalipas ng una itong ipalabas sa mga sinehan, napull-out kasi agad ang pelikulang ito dahil wala halos nanood. Kaya sino ang mag aakala na tatabo ito sa takilya at ngayon nga ay nakuha na ang number 1 spot sa Top movies at series sa Netflix Philippines.
Bilang isa sa lead cast at co-producer ng “Through Night and Day” hindi naman maiwasan ni Paolo ang ipahayag ang kanyang saloobin noong time na napagdesisyunan na ipahinto agad ang kanilang palabas noong Nobyembre 2018, ilang araw matapos ang kanilang unang showing date.

Nito lamang Martes, Hulyo 21, ay inamin nito sa kanyang online blogcon na labis siyang nanghinayang noong mga panahon na iyon hindi dahil sa kita kundi sa mismong istorya ng kanilang pelikula.
“Oo, sobra. It’s not even the kita ng pelikula. Pareho kami ni ano (Alessandra), co-producers kami. It’s not even that. It’s that we know we made a good film. Nanghinayang ako kasi walang masyadong nakanood,” pahayag ng Kapuso aktor.

Bagamat nabigyan pa daw sila ng pangalawang pagkakataon noong taon din na ‘yon ay hindi pa rin ito sapat upang mapansin ang kanilang pelikula ng publiko, “If I’m not mistaken after mga 3 days or 4 days na hindi ka ganon kalakas, napu-pull out ka na. So minsan yung word of mouth papalakas palang wala na, Actually nagkaroon pa kami ng second wave e. If I’m not mistaken after a month lumabas kami ulit. Mas kumita pa yata ‘yun nung time na ‘yun if I’m not mistaken. Sayang. Sayang,” dagdag pa nito.
Kung kaya naman ngayon na sa Netflix na ito pinalabas ay mas marami na ang nakapanood at sobrang daming tao ang naka-appreciate sa tunay na galing ng mga aktor at ang mensahe ng pelikula.
“Ako sabi ko nga ito mas natutuwa ako ngayon. Oo wala kaming kinikita dito sa dami ng nanonood ngayon sa Netflix pero ‘yun naman ‘yung point; Mapanood nila ‘to and hopefully the next time you do something, mas gugustuhin na nilang mas panoorin ka sa sine,” paliwanag ni Paolo.

Para sa aktor, hindi lamang ito para sa imahe na mabubuo niya ngayon na naipamalas niya ang kanyang talento sa pag arte, kundi para din sa mas ikakaangat ng kalidad ng industriya ng pelikulang Pilipino.
“For me this is a big opportunity to prove na next time gumawa si Paolo ng movie, nood tayo! or any Filipino film for that matter.”

Ang “Through Night and Day” ay isang romantic comedy-drama film na isinulat ni Noreen Capili at dinerek ni Veronica Velasco. Ang kwento ng pelikula ay umikot sa buhay at love strory nina Jen and Ben (ginampanan ni Paolo at Alessandra). Dahil sa nalalapit nilang kasal ay nagpasyang pumunta ang magkasintahan sa bansang Iceland, ang pangarap na bansa ni Jen para sa kanilang prenup shoot. Ngunit ang inaakala nila na sana’y masayang trip ay ang siyang susubok pala sa tatag ng kanilang relasyon.