Trending nga ngayon sa social media ang pelikulang “Through Night and Day” na pinagbibidahan ng actor-comedian na si Paolo Contis at aktres na si Alessandra de Rossi na talagang pinahanga at pinaluha ang mga manonood sa mga nakakaantig na eksena dahil sa mahusay nilang pagganap.
Ang takbo ng istorya ng pelikula ay tumatalakay sa dalawang taong nag-iibigan na malapit na sanang ikasal. Ngunit, ang kanilang pag-ibig ay sinubok ng pagkakataon nang magbakasyon sila sa napakagandang lugar ng Iceland. At dito nga nila nadiskubre ang pag-uugali ng bawat-isa na kung saan ay napagtanto nila na malaki pala ang pagkakaiba nila sa isa’t isa. Kaya naman, ang kanilang relasyon ay nauwi sa hiwalayan at ang inaasahang masayang kasalan ay hindi na naisakatuparan. Matapos nga ang maraming taong hindi pagkikita at pag-uusap ay muling pinagtapo ng tadhana ang dating magkasintahan. Ngunit, sa pagkakataong ito ay may nagmamay-ari na sa puso ng lalaki, samantalang ang babae naman ay nahaharap sa malubhang karamdaman.

Talaga nga namang mapapaluha na lang ang sinumang makakapanood ng pelikulang ito dahil sa mga nakakaantig na eksena. Hindi maikakaila na talagang napakaganda ng istorya ng pelikula at kahanga-hanga rin ang galing ng mga bida. Sa kabila nga ng magandang resultang hatid nito sa mga manonood ay siya namang masasayang samahan ng mga cast at staff sa pagbuo ng pelikula.

Ito nga ang ibinahagi ng Kapuso actor-comedian na si Paolo Contis nang makapanayam sa morning show ng Kapuso Network na “Unang Hirit”.
Ayon kay Paolo, ang pagbuo ng isang pelikula sa ibang bansa ay napakahirap at dito nga masusubok ang pagkakaisa at pagtutulungan ng mga cast at mga staff. Ngunit, sa kabila ng hirap na kanilang pinagdaanan ay hindi maitatanggi na napakasaya ng kanilang samahan habang ginagawa ang pelikula.

Ibinunyag rin ng aktor na ang ilan sa mga linya sa kanilang eksena ay naka-dub na dahil sa sobrang lamig ng temperatura sa lugar na kung saan ay umaabot ito ng negative 10 degree Celcius. Ngunit, dahil kailangan nilang mabuo ang bawat eksena nang pantay ang pagsasalita at hindi nanginginig ang mga bibig na sanhi ng lamig ay naisipan na lamang nila na i-dub ang ilang linya. Hindi naman ito mahahalata dahil nagmukhang natural lamang sa kanilang karakter ang bawat linyang binibitawan sa bawat eksena.
Taong 2018 pa nang ipalabas sa mga sinehan sa bansa ang pelikulang “Through Night and Day”, ngunit hindi ito tinangkilik ng mga manonood at matapos nga ang ilang taon nang makapasok at mapabilang ito sa mga pelikulang mapapanood sa online platform gaya ng Netflix, ay dumagsa ang positibong reaksyon ng mga manonood na talagang humanga at lumuha nang mapanood ang pelikula.

Kaya naman, halos hindi makapaniwala si Paolo sa tinatamasang tagumpay at kasikatan ngayon ng kanilang pelikula. Abot langit nga ang pasasalamat ng aktor sa mga taong patuloy na tumatangkilik at sumusuporta sa pelikulang “Through Night and Day”.
Maliban naman sa pelikula niyang “Through Night and Day” na pangalawa sa Netflix, nangunguna naman sa Netflix ang pelikula niyang “Ang Pangarap Kong Holdap”, na talagang ipinamalas rin ang angking galing sa pag-arte.