Sino ba naman ang hindi maghahangad na magkaroon ng isang engrande at magarbong kasal sa araw ng kanilang pag-iisang dibdib? Ito nga ang pangarap na inaasam ng mga magkasintahan sa pagsapit ng kanilang pag-iisang dibdib dahil ang araw ngang ito ay napakaespesyal at isang mahalagang bahagi sa buhay ng dalawang pusong nagmamahalan na kanilang maaalala habang buhay.
Ngunit, dahil na rin sa mga hindi inaasahang pangyayari, ang pinapangarap na kasal ay nauuwi na lamang sa isang simpleng kasalan. Katulad na lamang ngayong nasa gitna ng pandemya ang bansa at isa nga sa mga okasyon na naapektuhan nito ay ang kasal.
Ngunit para sa bagong kasal na sina Harlene at Wilbert Silverio, hindi naging hadlang ang pandemya upang maging espesyal ang kanilang kasal dahil pagkatapos ng seremonya, imbis magkaroon ng engrandeng handaan sa kanilang reception ay mas pinili ng mag-asawa na itulong nalang sa mga nangangailangan.
Ang pag-iisang dibdib nila Harlene at Wilbert ay ginanap noong June 18, 2020 sa Victory Church, Sta. Maria, Bulacan. At dahil nga ipinagbawal ang maraming bisita, tanging walong katao lamang ang kanilang naging bisita ng araw na iyon na naging saksi ng kanilang pagiisang dibdib.
Matapos nga ang seremonya ng kanilang kasal ay agad na silang namahagi ng mga grocery sa kumonidad at PPE (Personal Protective Equipment) naman sa mga hospital ng Bulacan. Talaga nga namang makabuluhan ang paraan nina Harlene at Wilbert sa pagdiriwang ng kanilang kasal dahil nakatulong sila sa mga nangangailangan.
Nakipag-ugnayan sila sa medical mission group cooperative hospital upang ipamahagi ang mga PPE at ilan nga sa mga nakinabang na hospital ay ang Turo, Bocaue, Pandi emergency service, at Corazon de Jesus Poblacion, Sta. Maria.
“Gusto lang namin i-honor si Lord, and we as a couple believe na yung maliit na tulong namin may malaking difference na magagawa hopefully maging inspiration din sa iba”, pahayag ni Wilbert.
Ayon kay Wilbert, ang ginawa umano nilang ito ay payo ng kanilang pastor lalo na’t nahaharap ang karamihan ngayon sa krisis, kung kaya’t mas pinili nila na tumulong sa mga nangangailangan. Isa na rin umano itong paraan ng pagpapasalamat nila sa Panginoon dahil sa kabila ng pandemya ay naisakatuparan pa rin ang kanilang pag-iisang dibdib.
Talaga nga namang kahanga-hanga ang bagong kasal na sina Harlene at Wilbert dahil hindi sila nag-atubiling tumulong sa mga nangangailangan sa mismong araw ng kanilang kasal. Nagsilbi ring inspirasyon ang dalawa at sila nga ay hinangaan ng publiko sa kanilang kabutihang loob.