Marami sa ating mga kababayan ang naapektuhan ng krisis na dulot ng pandemya na kung saan ay nawalan ng trabaho at mapagkakakitaan. Hindi lamang ordinaryong mamamayan ang naapektuhan ng krisis kundi pati na rin ang mga negosyante at ilang kilalang personalidad sa industriya ng showbiz.
Isa na nga rito ang aktor na si Ejay Falcon at kasintahan niyang si Jana Roxas na sa kabila ng pagsubok na hatid ng pandemya ay inisip na magkaroon ng alternatibong pagkakakitaan habang wala pa silang trabaho sa showbiz.

Ayon sa aktor na si Ejay ay matagal na umano niyang planong magtayo ng restaurant at nagkataon nga na ang kanyang kasintahan namang si Jana ay ito rin ang nais pasuking negosyo. Kaya naman, napagkasunduan at nagdesisyon ang magkasintahan na pasukin at simulan na ang restaurant business.

“Matagal ko na pong gustong mag-business at nagkataon si Jana gusto niya din talaga. Then may kaibigan po kami na masasabi ko na maayos na mga tao sa buhay namin at napagkasunduan namin magtayo ng restaurant. Nag-meeting kami then finaly nagawa po namin ito,” pahayag ni Ejay.
Ang kanilang restaurant na nagngangalang Okane Charcoal Grill House na matatagpuan sa 91 Maria Clara, Banawe St, Quezon City ay ready to serve na for dine in at take out sa mga nais kumain ng samgyupsal at iniisip ang kanilang kaligtasan laban sa kumakalat na sakit. Dahil ang naturang restaurant nina Ejay ay sumusunod sa mga alituntuning ipinapatupad ng gobyerno katulad ng social distancing at pinapanatili rin nilang malinis at palaging naka-sanitized ang kanilang restaurant na kung saan ay may plastic partition rin ang bawat lamesa. Kaya naman, tiyak na worry free ang sinumang kakain sa kanilang restaurant.

Ibinahagi rin ng aktor kung bakit sa lahat ng negosyo ay ang restaurant business ang napili nilang pasuking negosyo. Ito nga ay dahil in demand umano sa mga tao ang kumain ng Korean food na talaga nga namang napakasarap. Ngunit, ang kanilang restaurant ay may Japanese food ring maihahain sa mga natatakam kumain ng Japanese food. Ika nga ng aktor, fusion ng Korean at Japanese food ang masarap na pagkain na handang ihain sa mga customer ng kanilang restaurant na Okane.

Samantala, kamakailan lamang ay naging mainit na usapin ang tungkol sa pagsasara ng Kapamilya Network na kung saan ay hindi pinayagang i-renew ng Kongreso ang prangkisa, kaya naman, ito nga ang isa sa mga naging katanungan sa aktor kung plano ba niyang lumipat ng network.
“Sa totoo lang, sa ngayon hindi ko pa iniisip o ine-entertain ang kaisipan na yan. Maraming bagay ang walang kasiguraduhan sa ngayon. Marami ang pwedeng mangyari. Pero kailangan ako ng mga kapamilya ko ngayon. Kailangan namin magtulungan at palakasin ang loob ng isa’t isa. Hindi ko sila maaring iwan sa laban. I’m taking it one day at a time”.
Ang restaurant na Okane Charcoal Grill House ay mismong sina Ejay at Jana ang namamahala at nagpapatakbo sa tulong na rin ng kanilang business partner. At ang restaurant muna ang pagkakaabalahan ng magkasintahan habang nasa gitna pa ng pandemic ang bansa at wala pang trabaho sa showbiz.