Ang mga guro ang itinuturing na pangalawang magulang ng mga batang nag-aaral sa paaralan. Sila nga ang siyang gumagabay at nagbibigay kaalaman sa mga estudyanteng nais matuto upang ang pangarap na hinahangad pagdating ng panahon ay makamit.
Maituturing namang mga bayani ang mga guro sapagkat sa kanila nakasalalay ang kinabukasan ng mga kabataan. Kaya naman, ang kanilang pagmamahal sa pagtuturo at dedikasyon na magampanan ang kanilang tungkulin na mabigyan ng kaalaman ang mga estudyante, ay ating pinapahalagahan.
Sa programa ngang “Iba Yan”, kung saan host ang aktres na may napakabuting kalooban na si Angel Locsin, tampok ang isang guro na binigyan ng surpresa dahil sa kanyang labis na pagmamahal sa kanyang propesyon at sa kanyang mga mag-aaral.
Siya nga si Teacher Roberto ’Bob’ Latag Mitra na Head Teacher sa Don Arsenio Escudero Sr. Memorial School na matatagpuan sa San Pablo City sa Laguna. Bagama’t, tatlong taon pa lamang siyang nakadestino sa nasabing paaralan, marami na siyang nagawa at nabago niya hindi lamang paaralang pinamamahalan kundi maging ang kumonidad na kanyang kinaroroonan.
Ang nasabing paaralan ay malapit sa bagsakan ng mga basura, kaya naman ang pangunahing pinagkakakitaan ng mga tagaroon ay ang pangangalakal ng basura. Maliban dito, ay wala ring sapat na tubig sa kanilang lugar kaya naman nakikita ng guro ang hirap ng mga mag-aaral, hindi lamang sa amoy ng basura kundi pati na rin sa pagiging madumi ng mga ito na nagdudulot ng sakit. Kaya naman, ginawan ito ng paraan ng guro upang tulungan at manatiling malinis ang mga mag-aaral nangsagayon ay hindi magkasakit ang mga ito.
Lumabas nga ang pagiging isang mabuting guro ni Teacher Bob, ang kanyang pagmamahal sa paaralan at sa mga estudyante na kung saan ay hindi niya kayang nakikita na nahihirapan ang mga ito.
Kaya naman, labis ang kaligayahan ni Teacher Bob nang bisitahin siya ni Angel Locsin para tumulong sa brigada ng eskwelahan. Ngunit, may higit pa palang makakapagpasaya kay Teacher Bob, ito nga ang surpresa ni Angel na pagkakaloob ng scholarship sa dalawa niyang estudyante sa Sitio Baloc. At ang mga mapalad nga na estudyanteng nabiyayaan ng scholarship para sa anumang kurso ng apat na taon sa kolehiyo ay sina Ahriel Shean Leysa and Diana Aranzado. Ito nga ay ipinagkaloob ng City Government of Sampaloc.
“Hindi ko ine-expect na mayroong scholarship para du’n sa mga bata. Kasi ako po ay isa ring scholar noong ako ay nag-aaral noong college na nagkaroon ng magandang kinabukasan nang dahil din sa tulong ng mga donor. Kaya ako po lubos din ang kagalakan ko bilang ikalawang magulang, ikalawang tatay ng mga bata,” pahayag ni Teacher Bob na labis ang kaligayahan.
Maliban sa scholarship ng mga estudyante, ay nakatanggap rin si Teacher Bob ng solar lamp na ipapamahagi naman niya sa kumonidad. Malaking tulong nga ito dahil ang kanilang lugar ay walang kuryente at tanging gasera lamang ang ginagamit.
Hinangaan naman ni Angel ang kabutihang loob ni Teacher Bob, sa pagmamahal at dedikasyon nito sa pagtuturo na kung saan ay nagsisilbing inspirasyon sa mga mag-aaral na nais makapagtapos ng pag-aaral upang ang kanilang pangarap ay matupad.
“Thank you for inspiring us, Sir. Kaya po ganito ka-pursigido mag-aral ‘yung mga bata, dahil po ‘yan sa inyo — sa kagandahang loob niyo po. Maraming salamat po. Isa po kayong bayani,” pahayag ni Angel.
source: push