Kilalanin Ang Mga Kahanga-hangang Pinoy Celebrities Na Itinuturing Nang Kapamilya Ang Kanilang Mga Kasambahay

Kadalasan, kapag ang mga magulang sa isang pamilya ay abala sa kanilang trabaho at walang naiiwan sa kanilang tahanan upang alagaan ang kanilang mga anak, kumukuha sila ng mapagkakatiwalaang kasambahay upang mag-alaga sa mga bata. Malaki ang naitutulong ng mga kasambahay sa bawat pamilyang kanilang pinagsisilbihan. Bukod sa nakakatulong sila sa mga gawaing bahay, nagkakaroon rin ng kaagapay sa mga anak ang kanilang amo habang ang mga ito ay abala sa kanilang trabaho.




Kaya naman, hindi rin matatawaran ang pasasalamat ng bawat magulang sa kanilang kasambahay na talagang magpagkakatiwalaan at ginagawa ng maayos ang kanilang trabaho. At dahil dito, hindi na iba ang turing sa mga kasambahay ng pamilya kundi itinuturing na sila bilang miyembro ng pamilya.

Maging ang ilang kilalang personalidad sa industriya ng showbiz ay may mabuting puso rin kung paano nila ituring ang mga kasambahay. Kilalanin ang mga kahanga-hangang Pinoy celebrities na kapamilya na ang turing sa kanilang mga kasambahay.

Mariel at Robin Padilla

Ang mag-asawang Mariel at Robin ay parehong abala sa kanilang mga trabaho kaya naman, kumuha sila ng kasambahay upang maging katuwang nila sa mga gawaing bahay. May dalawa ng anak ang mag-asawa, sina Maria Isabelle at Maria Gabriela kung saan ay isang hands-on mom si Mariel sa kanila, ngunit kinakailangan pa rin niya ng kaagapay upang tumulong sa kanya sa pag-aalaga sa mga ito.

At ang kasipagan nga ng kanilang mga kasambahay ay pinapahalagahan ng mag-asawa. May pagkakataon pang binigyan nila ng bouquet ng bulaklak ang kanilang kasambahay.

Isabelle Daza

Ang aktres naman na si isabelle Daza ay lumaki sa pangangalaga ng kanyang Yaya Luning, at ngayong may asawa at anak na siya, nasa tabi pa rin niya ang kanyang Yaya Luning kahit na tumatanda na ito. Si Yaya Luning ngayon ang nag-aalaga sa anak ni Isabelle na si Baltie, habang abala ang aktres sa kanyang trabaho.




Sa isang panayam kay Boy Abunda, sinabi ni Isabelle na binibigyan niya ng mga tamang benepisyo ang kanyang mga kasambahay alinsunod sa ipinapatupad ng gobyerno. Maliban dito hinihikayat rin niya ang mga ito na mag-ipon sa pamamagitan ng passbook at doblehin naman ang halaga ng kanilang ipon tuwing Disyembre.

Kris Aquino

Ang kilala namang “Queen of all Media” na si Kris Aquino ay hindi maitatanggi ang pagiging malapit at pagmamahal sa mga kasambahay. Palaging abala sa kanyang trabaho at ibang pinagkakakitaan ang aktres kung kaya’t wala na siyang sapat na panahon upang alagaan ang mga anak. Kaya naman ang dalawa niyang anak na si Joshua at Bimby ay may kanya-kanyang yaya. Samantalang, ang anak naman niyang si Joshua, ay may kondisyon kung saan mas nangangailangang bigyan ng atensyon. Kung kaya’t, hindi kakayanin ni Kris kung mag-isa lamang niyang gagampanan ang lahat ng ito.

Pamilya na ang turing ni Kris sa kanyang mga kasambahay, kagaya na lamang ng yaya nilang si Bincai Luntayao na tinulungan pa ng aktres sa pagpapagawa ng bahay. Maging ang gastos sa kasal nito ay sinagot rin ng aktres.

Cheska at Doug Kramer

Ang mag-asawa namang si Cheska at Doug ay napakahands-on sa tatlo nilang anak na sina Kendra, Scarlett, and Gavin. Ngunit, nagiging abala rin ang pamilya sa kanilang mga pinagkakakitaan kagaya ng pag-endorso ng mga pampamilyang produkto, pambatang produkto at marami pang iba. Kaya naman, may mga kasambahay rin silang nagiging katulong sa mga gawain sa kanilang tahanan.




Ang kabutihan ng pamilya Kramer sa kanilang mga kasambahay ay kanilang ipinamalas. Isa na nga rito ang paglalaan ng lounge area para sa mga ito nang lumipat sila sa bago nilang tahanan.

KC Concepcion

Ang aktres na si KC Concepcion ay tila sumunod naman sa yapak ng ina niyang si Sharon Cuneta sa pagiging malapit sa mga kasambahay. Kung si Sharon ay lumaki sa tabi niya si Yaya Luring, lumaki naman si KC sa pangangalaga ng kanyang Yaya Lina. Itinuturing nang pangalawang ina ni KC si Yaya Lina, at noong 2018, ay binigyan pa ng aktres ang kanyang yaya ng house and lot bilang pasasalamat sa kabutihan nito sa kanya na inilaan ang sariling buhay para lamang maalagaan siya.