Ngayong panahon ng pandemic ay patuloy pa ring nararamdaman ang hirap ng buhay ng ating mga kababayan. Ngunit, sa kabila nito, patuloy rin ang pagbuhos ng tulong mula sa mga taong may mabubuting kalooban na handang tumulong sa mga nangangailangan.
Kagaya na lamang ng aktor na si John Lloyd Cruz na wala nang makakapigil pa sa paghatid niya ng tulong sa mga nangangailangan. At naging abala nga kamakailan ang aktor sa pamamahagi ng food packs sa mga frontliners sa Cebu City. Ang aktor ay may mabuting adhikain sa pagtulong sa mga nangangailangan kahit sa simpleng paraan lamang.
Si John Lloyd ay kasakuluyang naninirahan sa Barangay Guadalupe, Cebu City. Naging malapit na ang aktor sa kanyang kabarangay nang siya ay nanirahan rito dahil sa co-parenting status nila ng dating partner na si Elen Adarna sa anak na si Elias Modesto. Dito na rin inabutan ng lockdown ang aktor nang magpatupad ng alintuntunin ang gobyerno upang maiwasan ang peligro na hatid ng COVID-19.
At ang barangay nga ang napagpasyahang tulungan ng aktor kahit sa maliit na pamamaraan. Araw nga ng Lunes, June 8, nang mamataang personal na namimigay ng food packs si John Lloyd sa mga frontliners sa Barangay Guadalupe, Cebu City.
Makikita sa post ng Sugbo.ph sa facebook, na ang ipinamigay na pagkain ni John Lloyd sa mga frontliners ay dimsum, steamed rice, at may kasama rin itong mineral water.
Samantala, nanatili namang simple ang aktor sa suot niyang puting t-shirt, short, sapatos at sumbrerong pula habang namimigay ng pagkain. Sumunod rin ang aktor sa ipinapatupad na protocols ng DOH na pagsusuot ng facemask upang maiwasan ang pagkahawa ng COVID-19.
Saad sa bahagi ng artikulo Sugbo.ph, na hinayaang gamitin ang kuha ng larawan ng aktor para naman sa artikulo ng Pep.
“No one is definitely stopping John Lloyd Cruz from helping the Cebuanos.
“He is once again helping the frontliners in Guadalupe by personally giving the famous steamed rice (and water) from Dimsum Break.
“Today, June 8, Cruz has been spotted handing out these favorites to the frontliners.”
Samantala, noong nakaraang linggo naman ay nakipag-ugnayan si John Lloyd sa mga opisyales ng barangay San Nicolas sa Cebu. Dahil nga sa pananatili ng aktor sa Queen City of the South, naging malapit na siya sa mga kapitan ng San Nicolas at Guadalupe. Kung kaya’t, nais ring maghatid ng tulong sa ilang residenteng tagaroon.
Sa pakikipag-meeting ng aktor, inalam niya kung ano ang maaari niyang maitulong o kaya naman ay magagawang proyekto para sa mga kabataan roon.
Dahil sa ginagawang pagtulong ni John Lloyd sa mga residente, inakala at biro ng ilang netizens na balak umanong tumakbo ng aktor sa lokal na posisyon para sa susunod na eleksyon.
Talaga nga namang napakabuti ni John Lloyd sa paghahatid ng tulong, maliban pa rito, namahagi rin siya kamakailan ng mga vitamins sa mga tagaroong residente.