Alice Dixson, Bumisita Sa Kanilang Probinsya Sa Quezon at Ipinasilip ang kanilang Napakalawak Na Lupain At Ari-arian

Talaga nga namang wala ng hihigit pa sa tahimik at simpleng pamumuhay sa probinsya. Bukod sa tahimik na kapaligiran ay damang-dama rin ang sariwang hangin na malayo sa polusyon. Maging ang mga pagkain ay sariwa rin, mapa-gulay man ito o prutas ay tiyak na bagong pitas sa puno ang mga ito.

Kaya naman, hindi maikakaila na kahit sa lungsod na naninirahan ang ilang personalidad sa industriya ng showbiz, dumarating pa rin ang mga pagkakataong hinahanap-hanap nila ang tahimik na pamumuhay sa probinsya upang makapag-relax at ma-enjoy ang maaliwalas na lugar.




Tulad na lamang ng aktres na si Alice Dixson na bumisita sa kanilang probinsya sa Quezon kung saan matatagpuan ang kanilang napakalawak na lupain at mga ari-arian na naiwan ng kanilang magulang.

Sa pagdating niya, ay agad siyang ipinasyal ng pinsang si Butch sa dati nilang tahanan at tinuruan pa siyang gumawa ng kopra. Pinuntahan rin nila ang lupain kung saan niya nais magpatayo ng bahay. Maging ang lupain nilang puno ng mga niyog at mga pananim ay dinalaw rin ng aktres, ngunit iniisip ng aktres kung ano ang maaaring gawin sa mga ito.
Samantala, sa pagbisita ni Alice sa kanilang probinsya, nakadaupang-palad niyang muli ang mga taong naging bahagi ng kanyang buhay noon. Kasama na rito ang kanyang mga kamag-anak, mga taong nakasama nila sa bahay at maging ang taong nag-alaga sa kanya noong siya’y bata pa.

Hindi rin nakaligtaan ni Alice na bisitahin ang Mayor ng lugar sa opisina nito na kung saan ay makikita na labis siyang ipinagmamalaki ng kanyang mga kababayan sa kanyang narating. Naikwento naman ng Mayor kung ano ang pangkaraniwang hanap-buhay ng mga residente roon.

Talaga nga naman napakasarap balikan ang probinsyang kinalakihan kung saan nanirahan kasama ang pamilya at magkasamang bumuo ng masasayang ala-ala. Kaya naman, tiyak na nakakaengganyo rin ang manirahan rito upang maranasang muli ang tahimik at payak na pamumuhay.

Humanga naman ang mga netizens sa ganda ng lugar at sinuportahan pa ang nais ng aktres na magpatayo ng bahay rito upang mamuhay muli sa probinsya.




“A rest house with overlooking view, a beach, simple life. PERFECT!”
“W0w ang lapad ng ancestral property nyo po! Your former nanny looks amazing at 87. Iba talaga ang buhay sa probinsya. Excited ako mgkaron ka ng resort dyan.”

BUHAY PROBINSYA in QUEZON // Alice Dixson