Simpleng Buhay Sa Probinsya, Ibinahagi Ni Zanjoe Marudo Sa Mga Taga-hanga

Pagdating sa mga lalaking artista na hinahangaan sa industriya ng showbiz, higit na hinahangaan at tinitilian ng mga kababaihan ang mga lalaking may matipunong pangangatawan, makisig at may magandang tindig. Kabilang na nga sa listahan ang aktor na si Zanjoe Marudo.




Napahanga niya ang kanyang mga taga-hanga sa kanyang mahusay na pagganap sa karakter niya bilang isang madiskarteng electrician sa I Want Digital series na “My Single Ladies” bilang si BG na napanood sa telebisyon noong nakaraang linggo.

At ngayon nga sa pagbabalik telebisyon ng karakter niya bilang Natoy sa re-aired ng teleseryeng Tubig at Langis sa primetime bida kung saan kasama niya sina Christine Reyes at Isabelle Daza, muli na naman niyang pinakilig at pinatibok ang puso ng mga kababaihan.

Ngunit, lingid sa kaalaman ng marami, ang pagiging probinsyano niya sa mga karakter sa teleserye ay siya ring tunay niyang katauhan sa totoong buhay. Kung titingnan sa mga teleserye, likas ang pagiging sopistikada at eleganteng aktor niya sa telebisyon ngunit sa kabila nito ay taglay niya pala ang pagiging natural na probinsyano at sanay na siyang manirahan rito.

Ang aktor ay nagmula at lumaki sa Tanauan, Batangas kung saan nakasanayan na niya ang paninirahan rito.




Sa panayam sa aktor noong nakaraang taon sa Cinema One, ibinahagi niya ang ilan sa kanyang mga pinagkakaabalahan noong kabataan niya sa tuwing magbabakasyon siya sa kanilang probinsya.

“Sa Manila, pagkatapos ng school, then pag weekend at summer nasa Batangas. Sa bukid nagtatanim, nagdadala ng food sa lolo at lola. Kapag tanghali kukuha ng buko, gano’n tapos sumasakay sa kalabaw at naglalaro sa initan.”

ang pagbabalik tanaw nga ng aktor sa kanyang kabataan sa probinsya.

Samantala, sa naging panayam naman sa aktor sa programang “Tonight With Boy Abunda”, ibinahagi niya na ang kanyang ipinapatayong rest house ay malapit ng matapos at sa isang maliit na mango farm niya ito ipinatayo.

Ayon sa aktor, ilang taon na rin ang nakakalipas magmula nang mabili niya ang mango farm na nagsisilbing venue nila sa tuwing may okasyon o family gatherings. Maging sa tuwing pagbabakasyon at nais niyang makalanghap ng sariwang hangin ay sa naturang lugar siya nagtutungo.




Kapansin-pansin naman sa mga Instagram photos ni Zanjoe na hindi lamang siya sa kanilang probinsiya namamasyal kundi maging ang ibang lugar sa bansa ay kanya ring ginagalugad at sinusubukang gawin ang mga aktibidad na maaaring gawin ng isang probinsyano.

Kagaya na lamang ng mga larawan na kuha sa iba’t ibang probinsya sa bansa. Nasubukan na rin ng aktor ang pagsasaka, paglalaro ng basketball sa kalye at pagtulong sa pagluluto ng lechon. Maging larawan na kuha nang siya ay nagtatampisaw sa dalampasigan at pamamasyal gamit ang motor ay kasama rin sa mga larawan.

Si Zanjoe ay isa sa mga hinahangaang aktor at leading-man sa industriya ng showbiz. Patuloy naman sa pamamayagpag ang kanyang karera sa industriya at ang kanyang kinikita sa trabaho at pinagpaguran bilang artista ay kanyang pinapahalagahan kung saan ay kanyang inilalaan sa kapaki-pakinabang na bagay.