Marami sa atin ang naghahangad na matupad ang mga pangarap sa buhay. Ngunit, hindi natin ito kaagad makukuha sa loob ng isang gabi lamang. Dahil kinakailangan nating magtrabaho at magsumikap sa buhay upang ang pangarap na inaasam ay ating makamit.
Kaya naman, sa paglipas ng panahon ang pangarap na ating pinanghahawakan ay hindi natin binibitawan dahil umaasa at naniniwala tayo na balang-araw ay matutupad rin ang ating mga pangarap. At sa tulong ng matinding determinasyon at pagsusumikap sa buhay, maaari nating matulungan ang ating pamilya, sa ganitong paraan rin matutupad ang ating pangarap na magkaroon ng sariling bahay.
Pamilya nga ang naging inspirasyon ng Miss Universe 2010 4th Runner Up na si Venus Raj sa pag-abot ng kanyang mga pangarap, maging ang pagtupad sa kanyang pangarap na bahay.
Si Venus Raj ay ipinanganak sa Doha, Qatar ng ina niyang Pilipino, samantalang ang ama naman niya ay isang Indian. Matapos siyang ipanganak ng kanyang ina ay inuwi na siya sa Pilipinas at nanirahan na sa bansa. Ginugol ni Venus ang kanyang kabataan sa isang maliit na kubo na matatagpuan sa kanilang bayan sa Bato, Camarines Sur. Lumaki naman siya sa lugar na makikita ang napakalawak na palayan.
Simple lamang ang kanilang pamumuhay noon, walang kuryente sa kanilang tahanan at nakatira lamang sila sa bahay na gawa sa kawayan at dahon ng anahaw.
Kaya naman, ang beauty queen ay nangarap na mabago ang buhay at matupad ang mga pangarap na minimithi. Nagsimula na nga siyang sumali sa mga beauty pageant upang kumita ng pera at makatulong sa pamilya.
Ang mga pera naman na kanyang napanalunan sa mga local beauty pageants sa Bicol ay ginamit niya upang maibili ng lupang sakahan ang kanyang ina para makatulong sa kanilang kabuhayan.
Samantala, hindi lang ganda ang taglay ni Venus dahil maipagmamalaki rin ang kanyang katalinuhan. Sa katunayan, nakapagtapos siya ng pag-aaral sa Bicol University sa kursong Communication, Major in Journalism. Ngunit, hindi lang yan dahil natapos niya ang kurso ng may latin honors at higit sa lahat natapos niya ito bilang isang scholar.
Nagtuloy-tuloy naman ang biyayang natamo ni Venus sa kanyang karera bilang beauty queen. Nang magwagi siya bilang Miss Bicolandia, lumaban naman siya sa Miss Earth 2008 pageant kung saan siya ang itinanghal na Miss Philippines Earth Eco Tourism 2008. Matapos namang magwagi bilang Miss Earth, nagpahinga muna si Venus sa larangan at nagtrabaho muna sa gobyerno sa Department of Environment and Natural Resources (DENR).
Noong 2010 naman, naging kinatawan siya ng Pilipinas sa Miss Universe pageant. Sa nasabing pageant, nakapasok siya sa Top 5, at hinirang bilang Miss Universe 4th Runner Up. Matapos naman ng kanyang pagkapanalo, pumirma siya ng kontrata sa pangangasiwa ng ABS-CBN at naging isa sa mga host ng Umagang Kay Ganda.
Makalipas naman ang ilang taon, napagpasyahan niyang iwan ang industriya ng showbiz at ipagpatuloy ang ang pagkuha ng Master’s Degree sa Community Development sa University of the Philippines at naka-graduate noong 2017.
At ngayon nga, ang mga pangarap na hinahangad sa buhay ay kanya nang nakamit. Mula sa kubo na tirahan nila sa gitna ng palayan, nakapagpatayo na siya ng isang napakagandang bungalow house sa kanilang bayan sa Camarines Sur.
Sadyang napakaganda ng exterior ng bahay, kaya naman ang sinumang napapadaan dito ay kinukunan ng larawan ang naturang bahay. Hindi lamang exterior ang maganda rito, maging ang loob ng bahay ay sadyang napakaganda rin.
Talagang mapapauwi si Venus sa kanyang tahanan dahil sadyang nakakarelax ang awra nito at may malawak rin itong espasyo. Dagdag pa rito, kalapit ng kanyang bahay ang malawak na palayan kung kaya’t matatanaw rin ang napakagandang tanawin sa labas.
“Iba yung feeling na ganyan ang makikita mo pag gising mo. Hindi mo ipagpapakit. Walang kapantay. Sobrang sarap”.
Ang kanyang bungalow house ay may open-space concept, bukod rito may sliding glass door rin upang malayang makapasok ang sariwang hangin sa loob ng bahay.
Samantala, sa kusina naman ay may mahabang lamesa na maaari nilang ilipat saang lugar man nila naisin kung saan ay mas lalo pang nagbibigay ng espasyo kung kinakailangan.
Ang mga bedrooms naman ay may sloped ceiling na nakakapagbigay ng mas malawak na espasyo para sa matangkad na si Venus. Nakakapagdulot rin ito ng illusion na mas lalo pang maging mataas ang ceiling.
Ayon naman kay Venus, ang natitirang lote sa likod ng bungalow house ay nais niyang pagpatayuan pa ng dalawang palapag na bahay para sa kanyang pamilya.