Restaurant, Nawalan Ng Kita Dahil Sa “Prank Order” Ng Isang Blogger, Pati Kawawang Rider Nadamay Sa Prank

Ngayong panahon ng pandemic kung saan hindi makalabas ng bahay, nakagawian na ng ilan sa ating mga kababayan ang magpadeliver na lamang ng pagkain sa kanilang tahanan. Kaya naman, marami sa mga restaurant ang abala sa paghahanda ng mga masasarap na pagkain para sa kanilang mga customers. At sa tulong naman ng mga masisipag na riders na hindi alintana ang init at ulan na nakaambang sa kanilang daan, masigasig nilang inihahatid sa tahanan ng mga customer ang mga order na pagkain.




Ngunit, sa kasamaang palad ay may mga tao talaga na mapagsamantala at hindi iniisip ang kapakanan ng iba. At ngayon nga, ay dumarami ang mga restaurants na nakakatanggap ng prank orders mula sa mga walang pusong customer na tila ginawang libangan ang makapanloko ng tao. Kalimitan, ang sistema ng mga customer na ito ay nag-oorder muna ngunit, sa huli ay kina-cancel ang order o kaya naman, kapag naideliver na at nasa kinaroroonan na ang rider ay saka naman nila ika-cancel ang order.

Hindi ba’t tila nakakainis ang ganitong gawain ng mga walang pusong customer? Na hindi man lang inisip ang hirap at pagod ng ibang tao maibigay lamang ang kanilang nais?

Isa nga sa mga nakaranas ng ganitong pangyayari ang Chacha Special Binalot Sa Dahon, isang restaurant na matatagpuan sa San Pedro, Laguna. Ang nasabing restaurant ay nakatanggap ng order na pagkain na nagkakahalaga ng P1,011 mula sa customer na nagngangalang Reynan Gañete. At nais ng customer na ito, maideliver ang kanyang order sa loob ng 7PM hanggang 8PM. Kaya naman, upang bigyan ng maayos na serbisyo ang customer, bago pa man mag-7PM ay inihanda na ng restaurant ang order nitong pagkain at handa na ngang ideliver.

 




 

Samantala, ang rider naman ay nasa kanyang daan na patungo sa tahanan ng customer, sa address na ibinigay ng customer upang maihatid ang order sa takdang oras na 7PM. Ngunit, ang customer ay bigla na lamang kinansela ang order sa huling minuto. Kaya naman, bilang isang negosyante, maayos na ipinaliwanag ng restaurant sa customer na hindi na maaaring ikansela pa ang order sapagkat inihanda nila ang pagkain para lamang sa customer na ito at ang rider ay patungo na sa tahanan ng customer.

Bagama’t P50 lamang ang delivery charge, kapag hindi binayaran ng customer ang order nito ay malaking kawalan para sa restaurant at maging sa rider. Maliban sa perang kikitain nila, ay nagpakahirap at nagpakapagod na sila upang maihanda at mai-deliver lamang ang order ng naturang customer. At mas malaking kawalan ito ng rider, dahil ang charge nito ay mapupunta sa kawawang rider.




Ngunit, tila walang pakialam ang customer sa sasapitin ng ibang tao na dulot ng kanyang kawalang-puso. At sinabi ng customer na nagbago na ang isip nila sa pag-order ng pagkain at pancit canton na lamang ang kanilang kakainin para sa hapunan. Samantala, ang rider ay nasa harap na ng tahanan o address na ibinigay ng customer ngunit sa kasamaang palad ay tila fake address pa ang ibinigay ng walang pusong customer. Wala man lang lumabas sa naturang bahay, ni anino ng nasabing customer ay hindi man lang nasilayan ng rider.

Sa halip, sinabi ng customer sa restaurant na kainin na lang ng rider at ng mga staff ng restaurant ang order nilang pagkain dahil hindi na niya babayaran ang mga ito. Sinabi naman ng restaurant, na hindi maganda ang ginagawang ito ng customer. Sumagot naman ang customer, at sinabi na isa siyang blogger at ginagawa lamang niya ito bilang pangkabuhayan niya. Na ang blogger na ito, prank order pala ang ginawa para lamang sa kanyang blog.

“It’s a prank! Para po sa blog namin hehe. Thank you for being a sport,” saad ng customer.

“Yung rider po naghahanap buhay,” sagot naman ng restaurant.

“Kami din,” walang pusong reply ng customer.

Ang post na ito sa facebook page ng Chacha Special Binalot Sa Dahon ay nagsilbing paalala sa ibang tao upang huwag mabiktima gaya nila. Agad ngang nagviral ang post na ito tungkol sa walang pusong customer na nag-prank ng order sa restaurant kung saan ay binatikos ng mga netizens.




Ngunit, hindi lamang ito ang masamang ginawa ng ‘blogger’ dahil gumamit pa ito ng larawan ng taong nagngangalang Francis Nico Naparam na nagkomento sa post at humingi ng paumanhin sa nangyari. Ngunit, nais namang linawin at iklaro sa lahat ni Francis ang kanyang sarili dahil kumakalat na sa social media ang kanyang larawan bilang isang scammer.