Tunay nga na ang pag-abot sa mga pangarap na minimithi ay hindi madali kung saan ay kinakailangan munang maranasan ang hirap at pait ng buhay. Ngunit, kapag nakamtam na ang tamis ng tagumpay ay hindi naman matatawaran ang labis na kaligayahan at pasasalamat sa Maykapal.
Sino nga ba ang mag-aakala na bago makamit ng aktor na si Jericho Rosales ang tinatamasa niyang tagumpay ngayon ay dumaan muna siya sa matinding hirap ng buhay?
Si Jericho Rosales ay isang halimbawa ng “rags to riches” na pinatunayan na hindi hadlang ang kahirapan sa pag-abot ng pangarap.
At ngayon ngang nasa gitna ng pandemic ang bansa, marami sa ating mga kababayan ang nagugulumihanan at natatakot para sa kanilang hinaharap. Kaya naman, ang aktor na si Jericho Rosales ay nagsilbing inspirasyon at nagbigay ng pag-asa sa publiko sa pamamagitan ng isang open letter na kanyang ibinahagi sa Facebook.
Sa nasabing sulat, inilahad ng aktor ang hirap ng buhay na kanyang naranasan noon at tagumpay na tinatamasa ngayon. Ayon sa aktor, dahil sa nararanasang hirap ng komunidad ngayon dahil sa pandemic, nagsisimula ng mawalan ng pag-asa ang mga mamamayan sa kanilang mga pangarap. Bukod rito, patindi ng patindi rin ang nararanasang kahirapan dahil sa kawalan ng trabaho ng karamihan. Ngunit, saad ng aktor, ang hirap at pait ng buhay na nararanasan ngayon ay malalampasan rin pagdating ng panahon kung hindi susuko, magiging positibo at magsusumikap sa buhay.
Ayon pa kay Echo, ang pangarap ay pangarap kung kaya’t hindi dapat mawalan ng pag-asa bagkus ay manalig ng may positibong pag-iisip at magtiwala ng buong puso upang matupad ito.
Hindi naman ikinakahiya ng aktor ang buhay na kanyang pinagmulan, at nais niyang maging inspirasyon sa publiko. Ayon sa aktor, ang kahirapan ang nagtulak sa kanya upang tuparin ang pangarap at magkaroon ng maayos na buhay. Nais niyang kumita ng pera upang makatulong sa pamilya at maiahon ang mga ito sa kahirapan. Hindi naman siya nabigo, dahil matapos ang pagsusumikap at pagtyatyaga ay nagbunga ngang lahat ito at natupad na niya ang pangarap na minimithi.
Ngunit, bago makamit ang tamis na tagumpay dumaan muna siya sa hirap. Ayon kay Echo, sa pampublikong paaralan lamang siya nag-aral ng elementarya at highschool at hindi na nakapag-aral ng kolehiyo dahil hindi na kaya ng kanyang mga magulang na pag-aralin siya. Nagsimula na ngang dumiskarte ang aktor kung paano kumita ng pera. Naranasan niyang maging trash collector kasama ang kanyang pinsan, maging jeepney barker at fish vendor ay gamay rin noon ng aktor.
Ngunit, nangarap ang aktor na mabago ang buhay at maiahon sa kahirapan ang pamilya. Dahil sa pananalig sa Maykapal, at pagsusumikap sa buhay, matapos ang hirap at pait ng buhay na naranasan, ngayon nga ay isa na siyang matagumpay na artista sa industriya ng showbiz at namamayagpag rin ang kanyang mga negosyo. Kaya naman, labis ang kanyang pasasalamat sa mga oportunidad na dumarating sa kanya.
Bilang pagtatapos ng aktor, nag-iwan pa siya ng matatalinhagang salita, na talagang tatatak sa sinumang makakabasa. Isang nakaka-inspire na pangungusap na:
“Di mo kailangan ng tsinelas sa dagat ng pangarap.”