Ang aktres na si Charee Pineda ay unang nakilala sa GMA Network sa kanyang mahusay na pagganap sa teleseryeng “Ikaw Sa Puso Ko” noong 2004. Sa GMA una siyang sumikat at nakilala ng publiko ngunit matapos ang dalawang taon ay napagpasyahan niyang lumipat sa kabilang network. At noong 2006 nga ay nagsimula siyang muli sa kanyang karera bilang artista sa ABS-CBN.
Dito na nga siya mas lalo pang nakilala ng publiko sa mahusay niyang pagganap bilang lead actress at kapareho ni JM De Guzman sa teleseryeng “Angelito: Ang Batang Ama” na napanood sa telebisyon noong 2011 at nasundan naman ang serye nong 2012 ng “Angelito: Ang Bagong Yugto”.
Ngunit, noong 2018 ay muling nagbalik-loob si Charee sa Kapuso Network kung saan ginawa niya ang kanyang huling proyekto. Sa pagkakataong ito, nagdesisyon na si Charee na pagtuunan na lamang ng pansin ang panunungkulan sa bayan kung saan ay nanungkulan siyang Counsilor ng 2nd District ng Valenzuela City noong 2004 hanggang 2013.
Sa pagpasok nga ni Charee sa mundo ng politika, nabago ang kanyang buhay at naging makulay rin ang kanyang buhay pag-ibig kung saan nakilala niya ang lalaking magpapatibok ng kanyang puso na si Martell Soledad. Lingid sa kaalaman ng nakararami, si Martell ay dati ring Counsilor ng Valenzuela City. Si Martell ay pinsan rin ni Shalani Soledad Romulo na asawa naman ng Pasig City Representative na si Roman Romulo.
Naging masaya at makulay nga ang pagmamahalan nina Charee at Martell bilang magkasintahan. Sa katunayan, ay umabot sila ng 6 na taon bago lumagay sa tahimik. At noong Disyembre 2019 nga, nang inanunsyo ni Charee sa publiko na engage na siya sa kanyang long-time boyfriend.
Samantala, ang masayang kaganapan sa buhay nila ay ibinahagi niya sa pamamagitan ng larawan na makikita silang magkasama na kuha sa lugar kung saan nagsimula ang kanilang pag-iibigan, sa National Shrine of Our Lady of Fatima na matatagpuan sa Valenzuela. Makikita sa larawan na masayang-masaya si Charee habang ipinagmamalaki ang suot na engagement ring.
At noong Pebrero 2020, naganap ang kanilang pag-iisang dibdib sa Valenzuela City Hall kung saan dinaos ang isang civil wedding. Masaya namang ibinahagi ni Charee sa Instagram ang espesyal na araw na ito at nilakipan ng caption na : “02.28.2020 ❤❤❤ @martellsoledad”.
Samantala, marami sa malalapit na kaibigan ni Charee sa industriya ng showbiz ang nagpaabot ng suporta at pagbati sa bagong kasal sa panibagong yugto ng buhay na kanilang kakaharapin. Kabilang na nga rito ang Kapuso actress na si Yasmien Kurdi na dumalo pa sa kanilang kasal kasama ang asawa nitong si Rey Soldevilla.
Naging malapit na magkaibigan sina Charee at Yasmien nang magkasama sila sa proyektong “Hindi Ko Kayang Iwan Ka”. Nagbahagi naman si Yasmien ng larawan ng bagong kasal sa social media kung saan nilakipan niya ng caption na: “Congrats Charee and Martell Stay in-love. Mahal namin kayo!!!”.
Maliban kay Yasmien, nagpaabot rin ng pagbati ang mga kaibigan niya sa showbiz gaya nina Jessy Mendiola at DJ Chacha ng MOR 101.9. Kabilang rin sa mga bumati ang Bulacan 4th District Board Member na si Alex Castro.