Si Manny Pacquiao ang isa sa mga pinakamatagumpay na personalidad sa industriya. Dahil na rin sa kanyang pagsusumikap at ipinakitang husay sa larangan ng boksing, matagumpay niyang naabot ang kanyang mga pangarap. Ngunit, bago pa man niya naabot ang tinatamasa niyang kasikatan at tagumpay ngayon, dumaan rin siya sa mga pagsubok at hirap sa buhay. At may mga mapait rin siyang karanasan na dinanas sa kamay ng mga taong mayayaman.
Kaya naman, nang muling maalala ang mapait na karasanan sa kamay ng mga mayayamang tao nang makapanayam siya ng singer na si Martin Nievera, naging emosyunal si Manny at halos napaluha pa. Naranasan kasi ni Manny na ipagtabuyan ng mga taong mayayaman noong mga panahong naghihikahos pa sila sa buhay.
Ang panayam sa Zoom ni Martin Nievera kay Sen. Manny ay pinamagatang ANC Conversations, kung saan maraming mga bagay ang pinag-usapan ng dalawa. Kabilang na nga sa mga katanungan ng singer kay Sen. Manny ay tungkol sa pinagkakaabalahan ng kanyang pamilya habang sumasailalim sa quarantine.
Nadako rin ang kanilang usapan patungkol naman sa politiko. Natanong rin si Sen. Manny ng singer kung may plano siyang maging Presidente. Sagot naman ng Senador, wala raw ito sa kanyang isipan ngayon lalo’t nahaharap ang lahat sa kalamidad. Ayon pa kay Sen. Manny, maging ang pagiging senador ay hindi niya pinangarap. Kaya naman, kung saan siya ilagay ng Panginoon, anumang tungkulin ay kanyang gagampanan.
Nang tanungin naman si Sen. Manny kung ano ang unang gagawin matapos ang krisis na kinakaharap, naging madamdamin naman ang kanyang kasagutan.
“Now, when this is all over, ‘yung tapos na itong crisis, ano’ng unang gagawin mo?” tanong ni Martin.
Sagot naman ni Sen. Manny, uunahin niya ang pagtulong sa mga mahihirap na naapektuhan ng krisis na nakakaramdam ng gutom. Naging emosyunal naman siya at napaluha pa dahil may mga tao raw na hinahayaan na lamang ang mga mahihirap na mas mapahamak pa kesa mabawasan ang kanilang kayamanan.
“Alam n’yo naranasan ko kasi rin na ipagtabuyan ako ng mga mayaman…pag may kailangan ka ipagtabuyan ka, pandirihan ka kasi mabaho ka…naranasan ko rin ‘yan,” dagdag pa ng senador na nakita sa video na nagpahid ng luha.
Ibinahagi rin niya ang kanyang nais para sa mga taong mahihirap, ayon sa kanya, pangarap rin niyang magkaroon ng sariling bahay at sustainable livelihood ang mga ito. Maging ang kanyang kaginhawaang nararanasan ngayon ay nais rin niyang maranasan ng mga mahihirap.