Ngayon ngang nasa gitna ng pandemic ang bansa, marami sa ating mga kababayan ang naapektuhan ng krisis kung saan ay nawalan ng trabaho at mapagkakakitaan. Ngunit, may ilan naman sa ating mga kababayan ang gumagawa ng paraan kahit pa nasa loob ng tahanan. Ngayong panahon ng pandemic at hindi makalabas ng bahay, patok na patok ang mga home-based job and business na kung saan ay maaari pa ring kumita kahit na nasa loob lamang ng bahay.
Maging ang komedyanteng si Pokwang ay hindi nagpaapekto sa ipinatupad na quarantine, bagkus ay dumiskarte siya ng mapagkakakitaan kahit nasa loob ng bahay. Magsimula nga ng ipatupad noong March ang enhanced community quarantine sinamantala ni Pokwang at asawa niyang si O’Brian Lee ang pagkakataong ito upang magpokus sila sa kanilang home-based food business na pinangalanan nilang “Poklee Food Products”.
Ang mga pagkain na ibinibenta nila online ay mismong ang komedyanteng si Pokwang ang nagpreprepara at nagluluto. Kabilang nga sa mga masasarap na produkto ng Poklee Food Proucts ay laing, sili garlic aligue, garlic aligue, espesyal suka, gourmet tuyo, tinapa, at strawberry jam.
Kamakailan lamang, ay ibinahagi ni Pokwang na nais niyang idagdag ang kimchi bilang kanilang bagong produkto. Samantala, ibinahagi rin ng komedyante sa Instagram na siya mismo ang gumagawa ng mga produkto sa pamamagitan ng mga larawan at videos na makikita kung paano ginagawa ang bawat proseso.
Nagpopost rin si Pokwang ng kanilang mga produkto sa online kung saan makikita na marami ang nais bumili at tikman ang masarap na luto ng komedyante.
Hindi maitatanggi na bukod sa talento sa pagpapatawa bilang komedyante, ay may taglay rin na talento si Pokwang sa pagluluto. At ngayon nga, ay unti-unti ng lumalago at nakikilala ang kanyang negosyo na Poklee Food Products.
Maswerte rin si Pokwang sa pagkakaroon ng very supportive na asawa. Sina Pokwang at kanyang asawa ay nagsimula sa pagbebenta ng kanilang iba’t ibang klase ng pagkain noong nakaraang taon sa online at maging sa mga bazaar.