Si Marcelito Pomoy ay kilala at hinahangaang mang-aawit sa ating bansa ngunit dahil sa kanyang kakaibang talento sa pag-awit, maging ang buong mundo ay napahanga rin niya sa kanyang husay nang magwagi siya at nakuha ang pang-apat na pwesto sa America’s Got Talent: The Champions. Kaya naman, labis siyang ipinagmamalaki ng mga Pilipino sa kanyang nakamit na tagumpay.
At ngayon nga, muli na namang pinahanga Marcelito ang publiko, ngunit sa pagkakataong ito, hindi bilang isang singer kundi bilang isang good samaritan. Ngayong nasa gitna ng pagsubok ang bansa sa pagharap sa banta ng COVID-19, pinatunayan ni Marcelito ang kanyang kabutihang loob sa mga nangangailangan at mas piniling magpaabot ng tulong.
Dahil nga sa tagumpay na nakamit ni Marcelito sa kanyang husay sa pag-awit, marami na rin siyang mga biyayang natanggap sa kanyang buhay. At upang pasalamatan ang mga biyayang ito, nagpasya si Marcelito na ibahagi ang biyaya niya sa iba sa pamamagitan ng pagtulong sa mga nangangailangan.
Sa kanyang Youtube Channel, ibinahagi niya kung paano niya tinulungan ang isang matandang babae na nagngangalang Aurora Verano na magkaroon ng maayos na tirahan sa loob lamang ng apat na araw.
Ayon kay Marcelito, nakilala umano niya si Lola Aurora nang magawi siya sa Quezon Province upang maghatid ng mga relief goods sa mga residente. At kanyang nakita na hindi maayos ang bahay na tinitirhan ng matanda. Kaya naman, nagpasya siyang pagkalooban ito ng maayos na tirahan.
Sa unang araw nga ng pagsasagawa ng bahay, si Marcelito kasama ang grupo ng mga construction workers ay giniba ang lumang tahanan ng matanda at sinimulang itayo ang pundasyon ng bagong bahay. Sa sumunod na araw naman, inilagay na nila ang bubong ng bahay at ang pader naman ay pininturahan ng kulay pula nang sumapit ang pangatlong araw.
At nang matapos nga ang simple ngunit maayos na tirahan ni Lola Aurora, sinimulan naman ni Marcelito at kanyang kasamahan ang paglalagay ng mga kagamitan sa loob ng tahanan kagaya ng higaan, lamesa at upuan. Sinamahan na rin niya ito ng mga gamit sa kusina kagaya ng mga lutuan at ilang kasangkapang ginagamit sa kusina.
Sa Facebook account naman ni Marcelito, ibinahagi niya na noong May 4 ay nakalipat na si Lola Aurora sa kanyang bagong tahanan. Sa araw na iyon ay bumuhos ang malakas na ulan, ngunit labis ang kaligayahan ni Lola Aurora dahil wala na siyang nakikitang tumutulong tubig mula sa bubungan ng kanyang bahay.
Samantala, sa Youtube Channel ni Marcelito, ipinakita niya kung gaano kasaya si Lola Aurora na tila hindi maipaliwanag ang nararamdaman sa labis na kaligayahan nang masilayan ang bagong tayong bahay. Labis rin ang pasasalamat ni Lola Aurora kay Marcelito sa pagtulong sa kanya upang maipagawa ang kanyang bahay. Sa labis ngang kaligayahan ay napaiyak pa ang matanda dahil matagal na raw niyang ipinagdarasal na may tumulong sa kanya.
“Masaya ako sa inyong kabutihan. Masaya ako kasi pinagawa niyo ang aking bahay. Sobra ang pasasalamat ko kasi mayroong tumulong sa akin,”
Bago naman lisanin nina Marcelito ang lugar ni Lola Aurora, nagbigay rin siya ng mga relief goods sa mga kapitbahay nito. Nagpasalamat rin ang singer sa mga taong nagpaabot ng tulong at donasyon upang makalikom ng pondo para sa pagpapagawa ng bahay ni Lola Aurora.