Ngayon nga ay laman ng balita at usap-usapan sa social media ang isyu tungkol sa pagsasara ng Kapamilya Network o ABS-CBN Channel, na huling umere noong Mayo 5. Marami ang naapektuhan sa pagsasara ng network, kasama na rito ang mga regular na empleyado at mga artista. Ang ilang Kapamilya stars nga ay nalungkot at nagalit sa kinahantungan ng pagsasara ng network at kawalan ng kanilang trabaho ngayong nasa gitna ng pandemic ang bansa.
Ang ilan nga sa mga artista ay hindi halos matanggap ang nangyari kaya naman naglabas sila ng kanilang sama ng loob sa social media na kung saan ay nagdala ng negatibong reaksyon sa mga netizens.
Ngunit, may ilang artista naman na naintindihan ang hindi inaasahang pangyayari at kalmadong nagbigay ng kanilang pahayag sa nasabing isyu na nakapagbigay naman sa mga netizens ng positibong kaisipan.
Isa na nga rito ang Tubig at Langis star na si Cristine Reyes, na pinairal ang pagiging kalmado sa kinakaharap na sitwasyon.
Noong Mayo 7, nang ipahayag ni Cristine ang kanyang personal na reaksyon at opinyon tungkol sa isyung kinakaharap ng ABS-CBN at network na kinabibilangan niya. Dahil sa kanyang kalmado at maayos na pagpapahayag ng kanyang reaksyon, pinuri at hinangaan ang aktres ng mga netizens.
Matatandaan na si Cristine ay unang nakilala sa GMA Network sa kanyang paglahok sa reality talent competition na StarStruck noong 2004 at napabilang sa Final 14 sa edad na 15 taong gulang. Ngunit, matapos maging matagumpay ang karera sa GMA, nagdesisyon naman si Cristine na lumipat sa ABS-CBN para mas lalo pang mahasa ang kanyang talento. Noong 2010 nga, mula sa pagiging talent ng Viva Artists Agency (VAA) ay lumipat si Cristine sa Kapamilya Network.
At ngayong nahaharap sa isyu ng pagsasara ang Kapamilya Network, ipinahayag niya sa kalmadong paraan ang kanyang reaksyon at personal na opinyon.
Panimula ng aktres, sinabi niya na walang sinuman ang may kontrol sa mga maaaring mangyari sa mundo, at walang permanente sa mundo.
“16 na taon nang ako’y nagsimula sa aking karera. Ang bilis lumipas ng panahon.Minsan nasa taas. Minsan nasa ilalim. May kanya-kanya tayong oras.Walang permanente sa mundo.”
Maliban rito, sinabi rin ni Cristine na pagsubok lamang ito na kailangang lampasan at darating rin ang tamang panahon sa lahat ng bagay. Sa huli, nagpasalamat naman siya sa mga nakalipas na taong naging bahagi siya ng Kapamilya Network.
“Lahat sa takdang oras may pagbabago na kahit sino sa atin ay hindi mapipigilan. May mga pangyayari sa buhay natin na planado at meron din naman na hindi planado. Lahat tayo may kanya-kanyang pag-subok sa buhay. Tatag ng damdamin at taimtim na tiwala sa itaas. Lahat ng bagay ay lilipas, sa takdang panahon. Maraming salamat ABSCBN sa 12 taon na tiwala. “Kapuso, Kapatid, Kapamilya.”
Ang post na ito ay ibinahagi rin niya sa kanyang Instagram account, ngunit naka-off ang comment section ng kanyang post.
Samantalang sa ibang social media accounts naman kung saan siya nagbahagi ng kanyang post, umulan ang mga papuri at positibong komento mula sa mga netizens kung paano niya kalmadong ipinahayag ang kanyang reaksyon. May ilang netizens naman ang nagsabi na, ang mensahe ni Cristine ang may pinakamakabuluhang nilalaman na pahayag ng mga artista.
Samantala, ang ilang netizens naman ay sinabi na kapulutan sana ng ilang artista ang mensahe ni Cristine. Ayon naman sa mga ito, pantay umano ang naging pahayag ni Cristine, walang reklamo, walang sinisisi at walang pagmamaktol na makakapagdala ng negatibong kaisipan sa publiko.
Narito ang mga positibong komento ng mga netizens sa kanyang post.