Marami sa mga kilala nating personalidad sa industriya ng showbiz ang naging libangan na ang pangongolekta ng mga bagay na nakakapagbigay ng kasiyahan sa kanila. Kagaya na lamang ng iba’t ibang klaseng laruan, sapatos, bag, sumbrero at marami pang iba.
Ang singer-song writer nga na si Ogie Alcasid ay ang pangongolekta ng mga mamahaling laruan ang kanyang naging libangan habang abala sa kanyang trabaho. At halos 20 taon na siyang nangongolekta ng mga ito, kaya naman napakahalaga ng mga ito sa kanya.
Ngunit, ngayong panahon ng pandemic at krisis ay mas mahalaga para kay Ogie ang kapakanan ng ibang tao. Kaya naman, ang mga mamahaling koleksyon ng laruan ay ibinahagi niya bilang donasyon sa Shop and Share Project na pinangungunahan nina Angel Locsin at Anne Curtis.
Ang Shop and Share Project ay naglalayon na makalikom ng pondo sa pamamagitan ng mga personal items mula sa mga artista na maaari nilang i-auction para sa maganda at kapaki-pakinabang na bagay. Taong 2009, nang simulan ni Angel ang proyekto at noong nasabing taon rin, unang nakinabang sa proyekto ang mga mamamayan na naging biktima ng Typhoon Ondoy.
At ngayong panahon ng pandemic naman, ang layunin ng proyekto ay makalikom naman ng pondo para makabili ng COVID-19 testing kits at maisagawa ang mass testing sa bansa.
Hindi nga nag-atubili si Ogie na suportahan ang napakagandang proyektong ito ni Angel na makakatulong sa marami nating kababayan. Kaya naman, napagpasyahan niyang i-donate ang ilan sa kanyang mga mamahaling koleksyon ng laruan.
Sa Instagram, ibinahagi ng singer-song writer na kaisa siya ng proyekto at adbokasiya ni Angel upang makatulong sa paglilikom ng pondo para sa mass testing.
“Been collecting these for over 24 years. Time to let go of most toys so someone else may take care of them and at the same time people will be tested for Covid. Just helping an angel with her advocacy. Go @therealangellocsin.”
Samantala, hinihikayat naman ni Angel ang iba pang artista na makiisa at suportahan ang protekto na naglalayon na makalikom ng pondo para sa mass testing.
“We would like to revisit the idea of artists coming together and helping those who need it the most. This time, with the funds we raise, we would like to purchase test kits and allow testing opportunities for the poorer sectors in the hopes of helping out in the efforts to provide mass testing in the country.”