Silipin Ang Mga Kahanga-hangang Walk-in Closet Ng Limang Kapamilya Actress

Isa sa mga pinapangarap ng mga kababaihan ang magkaroon walk-in closet na talagang magbibigay ng magandang pananamit at kaayusan sa ating katawan. Kaya naman kung malaki ang kinikita mo sa trabaho, maaaring makapaglaan ka ng sapat na salapi upang ipantustos sa mga bagay na nais mong isilid sa iyong walk-in closet.

Ang mga hinahangaan nating artista, bukod sa kanilang husay at galing sa pag-arte ay hinahangaan rin natin ang kanilang pananamit at panlasa pagdating sa fashion. Kaya naman nagkakaroon tayo ng interes sa kanilang closet kung gaano nga ba karami at kaganda ang kanilang kasuotan at mga mamahaling bag at sapatos na tila halos araw-araw silang namimili upang gamitin sa bawat eksena, proyekto at maging mga events.




Narito ang walk-in closet ng limang Kapamilya actress. Silipin ang pagkakaayos ng kanilang mga kasuotan, sapatos, bag at accessories na maaaring makapagbigay ng inspirasyon para sa iyong sariling walk-in closet.

KC Concepcion

Ang aktres na si KC Concepcion ay nagpasya na magkaroon ng cream-shaded closet na talagang malamig sa paningin. Mayroon rin itong nagsisilbing liwanag sa bawat shelves na kanya namang hinayaang nakabukas lamang upang agad makuha ang nais niyang suotin at gamitin.

Ang kanyang wardrobe naman ay maayos na nakasalansan depende sa klase at disenyo. Ang mga long sleeves ay magkakasama, ganoon din ang mga jeans at iba pa.

Makikita rin sa kanyang walk-in closet ang dingding kung san nakasabit ang kanyang iba’t ibang klase at disenyo ng mga sumbrero at iba pang palamuti.




Alex Gonzaga

Si Alex Gonzaga naman ay kasing kulay ng kanyang personalidad ang loob ng kanyang walk-in closet. Kapansin-pansin ang pagkahilig ng aktres sa mga sapatos, na naglaan pa siya ng open racks na magsisilbing shoe organizer kung saan maaaring isilid ang 80 pares ng mga sapatos.

Nagpasadya rin siya ng isang bilog na ottoman na kulay pink sa gitna ng kanyang walk-in closet upang makaupo siya ng komportable habang nagsusuot ng sapatos.

Kim Chiu




Ang walk-in closet naman ni Kim Chiu ay kakaiba dahil binigyang buhay niya ito ng pinagsamang paborito niyang kulay na puti, rosas at kulay berde.

Ang kanyang matingkad na kulay pink na bilog na ottoman sa gitna ng silid ay mas lalo pang nagbigay buhay sa kanyang walk-in closet.

Ang bawat pader naman ay napapalibutan ng mga salamin na lagayan at kabinet kung saan makikitang nakalagay ang kanyang mga paborito at mamahaling mga sapatos kagaya ng Chanel, Gucci, Tory Burch at Christian Louboutin.

Naglaan rin si Kim ng hiwalay na espasyo para naman sa kanyang mga mamahaling koleksyon ng bag na maayos na nakadisplay. Ilan sa mga brand nito ay Chanel, Hermes, Louis Vuitton, Prada at Goyard.

Anne Curtis

Ang aktres na si Anne Curtis ay may vanity table na sinamahan rin ng kulay ubeng upuan sa loob ng kanyang walk-in closet.




Ang kanyang may dalawang palapag na munting lamesa at kulay puting kabinet ay talagang napakagandang tingnan at hindi nagpapahuli sa uso ang disenyo.

Matatagpuan naman sa hiwalay na silid ang koleksyon ng mga magagandang sapatos ni Anne na nakalagay sa transparent shoe rack.

Bea Alonzo

Si Bea Alonzo naman ay inilaan ang buong silid para sa kanyang mga kasuotan, sapatos at designer bags.

Ngunit, ang mga kasuotan at palamuti naman na kanyang ginagamit sa trabaho ay nakatago at maayos na nakasalansan sa hiwalay na silid.

Mas lalo ring nangibawbaw ang ganda ng kanyang walk-in closet sa kanyang makeup mirror na may professional lighting pa.