Aktres Na Si Manilyn Reynes, May Nakatago Palang Koleksiyon Ng Mga Lumang Song Hits

Noong unang panahon, kung saan hindi pa uso ang mga gadgets at hindi rin lahat ng tao ay may kakayahang makagamit ng internet, karamihan sa mga Pilipino ay gumagawa ng paraan upang magkaroon ng kasagutan ang kanilang pananaliksik. At una ngang naging batayan ng kaalaman ay ang mga aklat. Maging ang mga mag-aaral ay tanging aklat ang naging sandigan upang magawa ang kanilang takdang-aralin at iba pang bagay na may kinalaman sa pag-aaral.




Patok rin sa mga kabataan noon ang pagbabasa ng mga komiks upang maibsan ang pagkabagot. Mas lalo namang nakakaaliw ang pagbabasa kapag ang laman nito ay nakakaantig at nakakadala ng damdamin. Naging libangan rin ng mga Pilipino ang mga magasin. Ngunit, para naman sa mga mahihilig sa musika, wala ng hihigit pang ligaya kapag may sarili kang song hits. Song hits nga ang labis namang pinaglalaanan oras ng mga mahilig sa musika at ilang mang-aawit.

Kagaya na lamang ng “That’s Entertainment star at singer na si Manilyn Reynes na talagang nahumaling noon sa mga song hits. Isang magaling at mahusay na singer si Manilyn na kung saan ay tinagurian bilang “Star of the New Decade” ng kanyang henerasyon. Isa siya sa mga hinahangaan pagdating sa kantahan at ang kanyang naging sekreto upang makabisa ang pag-awit ay ang kanyang mga song hits.




Kaya naman, ibinida niya sa kanyang post sa Instagram ang mga koleksiyon niya ng song hits, na ayon sa kanya ay nakatago pa sa baul. Ayon sa singer, napakalaking tulong umano sa kanya ng mga song hits noong nagsisimula pa lamang siya. Dahil raw sa mga ito, natuto siyang maggitara. Makikita rin kasi sa song hits ang guitar cords, maliban sa mga liriko ng mga kanta na laman nito.

Para kay Manilyn, tila bumalik lahat ng ala-ala sa kanya kaya naman isang malaking nostalgia trip ang muling paggamit ng mga song hits. Kakaiba raw talaga ang song hits, hindi tulad ng touch screen devices ngayon. Ayon sa kanya, mas masarap pa rin ilipat-lipat ang bawat pahina ng song hits. Maging ang amoy ng imprenta sa bawat pahina ay talagang malalanghap sa bawat paglipat ng pahina.

“Naalala n’yo ba ang mga ‘to? Dito kami natutong maggitara. We flipped and turned pages. We didn’t slide, pinch, and double tap. Iba pa rin ang amoy ng tinta at papel, hihi,” sabi ni Manilyn sa kanyang post.




Kahanga-hanga ang ipinakitang pagmamahal ni Manilyn sa kanyang mga lumang song hits na hanggang ngayon ay kanya pa ring iniingatan. Maging ang nga netizens ay naka-relate rin kay Manilyn, dahil maging sila ay nakahiligan rin ang pangongolekta ng mga song hits noon. Ngunit, dahil sa mga hindi inaasahang pangyayari ang ilan raw sa kanilang koleksiyon ay nawala.