Dahil sa pinairal na enhanced community quarantine ng gobyerno sa buong Luzon, karamihan sa ating mga kababayan ay nananatili lamang sa loob ng kanilang tahanan at walang trabaho upang makapaglaan ng perang pambili ng pagkain sa pang-araw-araw. Kaya naman marami ang nangangamba sa kanilang kakainin sa araw-araw upang mabuhay at malampasan ang krisis na dulot ng COVID-19.
Kaya naman upang masulosyunan at gawing alternatibo sa suliraning ito, ang Baguio City ay namamahagi ng mga buto at binhi ng pananim sa kanilang mga residente upang mahikayat ang mga itong magtanim.
Ayon sa pamunuang lokal ng Baguio, mas mainam na matutong magtanim ang mga residente upang may mapagkunan sila ng makakain.
Mabisa umanong alternatibo ang pagkakaroon ng survival garden para sa mga residente sa mga ganitong uri ng sakuna upang mabuhay at may makain.
Kaya naman ang aktres at social media influencer na si Neri Naig-Miranda, bagama’t marangya ang nakagisnang pamumuhay ay natuto paring magtanim ng mga gulay sa kanilang bakuran. At kanya nga itong ibinida sa kanyang vlog kung saan ang mga sangkap sa bawat niluluto niya ay produkto ng kanyang hardin.
Isa sa mga naapektuhan ng ECQ ang mag-asawang Neri at Chito Miranda na naninirahan sa Tagaytay. Ngunit, sa nasabing lugar ay maraming pananim ang aktres kaya naman napakalaking tulong sa kanila ang mga gulay mula sa lupain nilang iyon. Sa latest vlog nga ni Neri, ipinagmalaki niya na siya mismo ang kumuha at namitas ng mga sangkap na gagamitin sa pagluluto.
Tampok sa kanyang vlog ang makapagluto ng chopsuey at nilagang mais. Kaya naman kumuha siya sa kanyang hardin ng carrots at bell pepper na pangsangkap sa chopsuey at mais naman para sa masarap na nilagang mais. Katulong naman niya sa paghahanda ng masustanyang lutuin ang kanyang ina. Nang maluto na ang sariwa at masustansyang gulay mula sa kanilang bakuran, masaya itong pinagsaluhan ng kanyang pamilya.
Ang masayang kaganapan ng paghahanda ng pagkain nilang mag-ina, na tinawag pa ni Neri na “farm to table” ay kanyang ibinahagi at labis na ipinagmalaki sa Instagram. Ayon kay Neri, isa raw ito sa pamamaraan niya upang maging isang matipid at wais na misis.
“Yung mga naani ko, niluto ko rin. Feeling farm to table ang dating, hehe. Sabay-sabay tayong manood! Sorry medyo maingay lang nanay ko, panay puna sa akin, haha! Normal lang namin yun, hahaha!” sabi ni Neri sa kanyang Instagram post.