Naaalala Niyo Pa Ba Ang Anak Ni Marimar Na si Cruzita? Isa Na Siyang Napakagandang Dilag Ngayon

Pamilyar ba kayo sa magandang mukha ng karakter ni Norilyn sa “Kambal Karibal” na ating napapanood sa GMA tuwing gabi? Kung pamilyar kayo, hindi kayo nagkakamali dahil minsan na natin siyang nasilayan sa mga programa ng GMA noong siya’y bata pa lamang.

Siya si Franchesca “Chesca” Salcedo sa totoong buhay. Una siyang nasilayan sa kaniyang pagganap sa karakter bilang Cruzita sa Philippine adaptation ng telenovela na “Marimar” noong 2007. Gumanap si Chesca bilang anak nina Marimar at Sergio sa telenovela. Matatandaan na ang lokal na bersiyon ng Marimar sa bansa ay tinangkilik ng publiko kung saan ay pinagbidahan ng “Kapuso Primetime King and Queen” na sina Dingdong Dantes at Marian Rivera.

Mabilis nga talaga ang paglipas ng panahon, dahil ang batang gumanap bilang anak ni Marimar ay isa nang ganap na napakagandang dalaga ngayon.

Bagama’t hindi pa lubos na natatamasa ni Chesca ang ningning ng kasikatan sa industriya ng showbiz, maituturing na patungo na ang dalaga sa kaniyang minimithing tagumpay upang patunayan ang kaniyang kakayahan at talento sa larangan ng pag-arte bilang isang mahusay na artista.

Marami ng teleserye sa telebisyon ang naging proyekto ni Cheska kung saan ipinakita niya ang kaniyang husay at galing sa pag-arte.

Maliban sa Marimar, naging bahagi rin siya ng local adaptation ng Mexican Telenovela na “Rosalinda” at gumanap bilang batang Fedra na ginampanan naman ni Katrina Halili kalaunan.
Maging sa “Trudis Liit” ay nasilayan na rin siya sa kaniyang pagganap bilang Sugar Ferrer, samantalang sa “Amaya” naman ay gumanap siya bilang batang Binayaan.

Noong 2014 naman, ang teen actress ay nakasama sina Bianca King at Neri Naig sa TV5 sa isang medical drama na “Obsession”.

Ang huli niyang proyektong ginawa bago ang “Kambal Karibal” ay ang Philippine version ng Korean Drama na “Baker King” noong 2015.

Gumanap rin si Chesca ng karakter bilang Chelsea sa psychological thriller na “Black Lipstick” noong 2019.

Kagaya rin ng ibang kabataan, mahilig rin maglibang si Chesca at hindi nagpapahuli sa uso at pagkakaroon ng Tiktok, kaya naman maaari siyang i-follow sa Tiktok account niya na @chescasalcedo upang mapanood ang kaniyang mga nakakaaliw na Tiktok videos.

Maliban rito, may sarili ring Youtube channel ang dalaga kung saan makikita ang kaniyang pagmamahal sa musika at dito rin niya ibinabahagi ang kaniyang mga song cover.

Marami naman ang sumasang-ayon na ang kaniyang panlasa pagdating sa fashion ay talagang sumasabay sa uso dahil hilig ng aktres ang magsuot ng mga damit na kagaya sa mga K-pop idols.

Maraming netizens naman ang nagsasabi na may hawig umano ang dalaga sa napakagandang anak ni Robin Padilla na si Kylie.

Sang-ayon ka rin ba dito?