Tunay nga na ang pagtulong ay walang pinipiling edad, dahil ang may mabuting kalooban anuman ang edad mo kung handang tumulong ay hindi magiging hadlang upang makatulong sa mga nangangailangan. Sa oras ng krisis at kagipitan nangingibabaw talaga ang pagkakaisa at pagtutulungan ng mga Pilipino. Ang pagtutulungan at pagkakaisa lamang ang makakapagsalba sa atin upang labanan ang COVID-19.
Isang inspirasyon ngang maituturing ang 74 anyos na si Tita Carol dahil sa kabila ng kanyang edad ay nagpasya siyang mamigay ng mga pagkain mula sa kanyang sari-sari store sa mga naapektuhan ng krisis na dulot ng COVID-19 na mga tricycle driver sa kanilang lugar kung saan ay nahinto sa pamamasada gawa ng lockdown.
Ayon kay Lily Castro Mayo, na kung saan ay ibinahagi ng Kapuso Mo, Jessica Soho sa Facebook, labis umanong nahabag si Tita Carol sa kalagayan ng mga tricycle driver na nawalan ng hanapbuhay at natigil sa pamamasada kung kaya’t walang kita para ipambili ng pagkain. Kaya naman naisip ni Tita Carol na ipamigay na lamang ang mga pagkain na laman ng kanyang tindahan sa mga ito.
“Napansin niyang mahirap ‘yung sitwasyon natin ngayon. ‘Yung mga tricycle driver, walang pasada. Kaya naisip ni Tita at ng kanyang pamilya magbigay ng kaunting relief goods para sa mga driver, para makatulong kahit papaano. Lalo na ngayon na wala silang kita.”
Sinabi rin ni Lily, na ang kaunting tulong na handog ni Tita Carol ay para sa mga tricycle driver at maaaring makuha sa tindahan na matatagpuan sa Block 7 (Matthew Street), Lot 9, Celina Homes 2 Subdivision, Deparo, Caloocan City.
Ang kahanga-hangang gawa na ito ni Tita Carol ay labis na pinuri at hinangaan ng mga netizens.
“This made me teary. An old woman has little, but finds happiness by sharing some of her blessings to neighborhood. I salute you nanay! You’re one in million creations on Earth who have good heart.”
“God bless Tita Carol. May God bless you more because of your good deeds and kindness to people in need. So humble, God bless you.”
Ngunit, hindi lang pala si Tita Carol ang nag-iisang lola na nagpamalas ng kabutihang loob sa kapwa dahil sa post ng Virtual Pinoy, may lola rin umano na mula sa Cainta,Rizal ang nagbigay ng tulong.
Pansamantala umanong isinara ni Nanay Belina ang kanyang tindahan at nagpasyang ipamahagi ang mga pagkain sa mga nangangailangan. Kabilang na nga rito ang mga construction workers at mga drivers na nahinto sa trabaho at walang mapagkukunan para ipambili ng pagkain.
Naawa umano si Nanay Belina sa kalagayan ng mga residente sa kanilang lugar dahil hindi pa nakakatanggap ng ayuda ang mga tao sa kanilang lugar. Kaya naman namahagi siya ng kaunting relief good na may laman na biscuit at instant coffee.
Maraming salamat mga Lola. Nawa’y pagpalain kayo ng Poong Maykapal.