Ice Seguerra, Namahagi Ng Sariwang Gulay Sa Mga Naapektuhan Ng Enhanced Community Quarantine

Labis na namamayani ang pagkakaisa at pagtutulungan ng mga Pilipino sa gitna ng suliranin sa COVID-19, na maging ang mga kilala nating celebrities ay ipinamalas rin ang kanilang pagiging matulungin sa mga nangangailangan.

Dahil nga sa ipinatupad na enhanced community quarantine, marami sa ating kababayan ang nananatili lamang sa kanilang mga tahanan at hindi makapagtrabaho na kung saan ay higit na nangangailangan ng tulong na apektado ng COVID-19. Ngunit, sa ganitong uri naman ng kalamidad, maraming may mga mabubuting puso ang handang magpaabot ng kanilang tulong.




Isa na nga rito ang dating child star at isa sa mga haligi ng OPM na si Ice Seguerra. Ibinahagi ni Ice sa kanyang Instagram ang natatangi niyang pagtulong sa mga nangangailangan. Naging kakaiba ang paraan ng pagtulong ng singer, sapagkat imbes na noodles at de lata ang matanggap ng mga mamamayan bilang relief goods, ay mga masustansiya at sariwang gulay ang kanyang ipinamahagi sa mga nangangailangan.

Ang mga sariwang gulay na kanyang ibinahagi sa mga nangangailangan ay mula sa Benguet.
Naging malawakan rin ang naging pagtulong ni Ice, sapagkat hindi lamang mga mamamayan na nangangailangan ng kanilang pang-araw-araw na pagkain ang kanyang natulungan kundi maging mga magsasaka rin ng Cordillera.




Karamihan sa nalikom niyang pananim at gulay ay mula sa rehiyon ng Cordillera, napakalaking tulong ito para sa mga magsasaka ng rehiyon sapagkat ang labis nilang pangambang mabubulok na lamang ang gulay ay napawi nang dahil sa pagtulong na ito ni Ice. Sa kadahilanang hindi makapasok sa ibat-ibang bahagi ng bansa ang mga produkto ng mga magsasaka dahil sa mahigpit na checkpoints sa mga lugar may posibilidad na mabulok ang mga gulay ngunit dahil kay Ice ay naibsan ang kanilang suliranin.

Nauna ngang nabiyayan ng sariwang gulay at natulungan ni Ice ang mga mamamayan na nasunugan sa San Andres, Manila. Umabot naman sa 235 pamilya ang kanilang natulungan at nakatanggap ng mga sariwang gulay.

Sa mga larawang ibinahagi ni Ice, kitang-kita na siksik sa sustansiya ang mga sariwang gulay na kanilang ipinamahagi. Higit umanong mas mainam ang mga gulay kesa sa mga de lata, mabisa umano itong pagkain upang maging malusog at magkaroon ng malakas na pangangatawan upang labanan ang mga sakit, lalo na ang sakit na dulot ng COVID-19.

Narito ang pahayag ni Ice sa kanyang post sa Instagram.

“Salamat po sa ating mga donors!!! Nakapag distribute na po kami sa 235 Families sa San Andres, Manila. More than 3000 families recently lost their homes and properties dahil sa sun0g. Tapos, ngayon, CoVid naman. Hay.

“Fresh veggies from our Benguet farmers diretso sa ating mga beneficiaries. Hindi naman pwedeng puro de lata lang diba? We have to make sure our kababayans are eating well para healthy! Thank you to our volunteers for facilitating this”.




Marami naman ang nagpakita ng suporta sa magandang adhikain na ito ni Ice. Ayon sa mga ito, tuluran dapat ito ng LGU dahil mas mainam na gawing salitan ang pamimigay ng de lata at gulay, hindi na purong de lata lamang ang ipamigay upang maging malusog ang mga mamamayan at may sapat na sustansiya ang pagkain upang labanan ang sakit.

Maging ang mga kapuwa celebrity tulad nina Tom Rodriguez, Angelika dela Cruz, at Ryan Agoncillo ay suportado rin si Ice sa proyektong pamimigay ng sariwang gulay sa mga nangangailangan.