Dahil sa kinakaharap ng bansa sa pagsubok laban sa COVID-19, dumarami ang mga kababayan nating nangangailangan ng tulong ngunit marami rin ang mga may mabubuting puso ang gumagawa ng paraan upang makatulong sa kahit anong paraan at abot ng kanilang makakaya.
Kagaya na lamang ng magkakapatid na Barretto na naglaan ng oras upang makalikom ng salapi para magamit at makatulong sa mga naapektohan ng COVID-19. Si Julia Barretto kasama ang kaniyang mga kapatid na sina Dani at Claudia ay matagumpay na nakalikom ng salapi na higit pa sa kanilang inaasahan mula sa mga donasyon at naglalayon na makapagpatayo ng komportable at ligtas na pasilidad para sa mga pasyente ng COVID-19.
Noong Abril 11, masayang inanunsyo ng aktres na si Julia sa Instagram na nakalikom na sila ng P651,952.22 mula sa mga donasyon sa pamamagitan ng kanilang inilunsad na fundraiser na #ParaMayBukas.
“Good news! Our fundraiser #ParaMayBukas has already reached its P600,000 goal but because of your generosity and support we ended our fundraiser with more— P651,952.22,” pahayag ni Julia.
“My sisters Dani, Claudia, and I want to thank everyone who took part on this mission. This was a success because of all your support and help. We will continue to post updates and progress. Again, thank you very much,”dagdag pa ng aktres.
Sinimulan ng magkakapatid ang online fundraiser na #ParaMayBukas noong Abril 5 upang matulungan ang mga hospital na nakakaranas ng kakulangan ng mga silid dahil na rin sa dami ng mga pasyente na naapektuhan ng COVID-19.
Ayon kay Julia, nais umano nilang makatulong sa pamamagitan ng pagbibigay ng mga PPE o personal protective equipment sa mga hospital. Nais rin nilang makapagbigay ng pagkain sa mga taong nagboluntaryong tumulong sa paggawa ng ipinapatayo nilang emergency quarantine facility.
Nagbahagi rin ang aktres ng larawan sa kaniyang Instagram na nagpapakita ng kalagayan ng pinapagawang pasilidad sa Fe Del Mundo Medical Center na matatagpuan sa Quezon City.
Maliban sa post ni Julia, nagpost rin ang kapatid niyang si Claudia ng magandang balita sa Instagram. Pinasalamatan ni Claudia ang mga taong sumuporta sa kanilang fundraising lalong-lalo na ang mga taong nagpaabot ng kanilang tulong at donasyon.
“We stopped the fundraiser already because we reached our goal of P600,000. And because of your support and generosity we ended with more. #ParaMayBukas raised P651,952.22!”
“P350,000 will go to the building of the Emergency Quarantine Facility, which is currently on going right now. And the P301,952.22 will go to the workforce for their meals and PPEs. From the bottom of our hearts, Thank you so much to everyone who donated! God bless you all!”