Sa panahon ng sakuna at kalamidad, maraming may mga mabubuting puso ang nagpapaabot ng kanilang tulong sa mga nangangailangan. Ngayon ngang nahaharap ang bansa sa suliranin upang labanan ang COVID-19, marami ang naghahatid ng kanilang tulong sa mga naapektuhan ng krisis.
Dahil nga sa nakalockdown ang buong Luzon, marami sa ating mga kababayan ang walang trabaho at hirap na matustusan ang mga pangangailangan ng kanilang pamilya upang may makain araw-araw kaya naman sa kasalukuyan ay nakaasa lamang ang mga mamamayan sa gobyerno at sa mga taong nais mamahagi ng tulong.
Karamihan nga sa mga namamahagi ng tulong ay mga kilala nating personalidad, politika at mga taong nakakaangat sa lipunan. Ngunit may isang tao ang pumukaw sa atensyon ng publiko sa kaniyang ipinakitang paraan ng pagtulong, pero ang mas higit na nakakawindang rito ay hindi siya politiko at hindi rin siya sikat na artista sa bansa. Siya lang naman si Francis Marcos na isang ordinaryong mamamayan ng bansa na ipinamalas ang pagtulong nang ibenta niya ang kaniyang bahay na nagkakahalaga ng P40 Milyon.
Ibinenta nga ni Francis ang kaniyang bahay na nagkakahalaga ng P40 Milyon at ang perang pinagbentahan ay ginamit niya upang makabili ng maraming kabang bigas at relief goods upang ipamahagi sa mga nangangailangan.
Sa pamamagitan ng isang video, ipinakita ni Francis na umabot ng dalawang malalaking truck ang ipinamahagi niyang kaban ng bigas sa mga nangangailangan nating mga kababayan.
Saad rin ni Francis sa video,
“Are you willing to sacrifice something on your behalf?” o sa tagalog , “Handa ka bang magsakripisyo para sa kapwa mo?”
Tinatayang P49 Milyon ang kabuuang halaga ng ipinambili ng kaban-kabang bigas at relief goods sa mga naapektuhan ng krisis na dulot ng COVID-19 sa bansa.
Kapansin-pansin rin ang labis niyang pagpapakita ng malasakit sa kaniyang kapwa sapagkat hindi na niya iniisip ang kaniyang sarili bagkus at higit niyang iniisip ang kapakanan ng mga nangangailangan.
“Wala akong pakialam kung maghirap ako”, mga katagang sambit ni Francis sa video.
Dahil sa kakaibang paraan ng pagtulong ni Francis, at sa ipinakita niyang kabutihan, marami ang humanga at ang nagbigay ng mga positibong komento at reaksyon mula sa mga netizens.
Marami rin ang patuloy na humihingi ng tulong kay Francis na kung saan ay patuloy namang namamahagi ng tulong sa mga nangangailangan. Namimigay rin siya ng tulong, hindi lamang personal kundi maging mapaonline.
Ayon pa kay Francis, hindi umano nadadala ang kayamanan sa langit. Kaya naman hinamon rin niya ang mga kakilala niyang mayayaman na magpaabot rin ng tulong sa mga nangangailangan hanggang sa matapos ang ipinapatupad na enhanced community quarantine sa bansa.