Ngayon ngang nasa ilalim tayo ng pinapairal na enhanced community quarantine, halos lahat rin ng mga barber shop at salon ay sarado kung kaya’t walang barbero upang gumupit sa ating mga buhok. Dahil nga walang barbero, humahaba na ang ating mga buhok habang tayo ay namamalagi sa loob ng ating tahanan. Ngunit, hindi na problema ang kawalan ng barbero ngayong panahon ng quarantine sapagkat may mga miyembro naman ng pamilya na may taglay na talento sa paggupit ng buhok.
Kagaya na lamang ni Angel Locsin na naging instant hairstylist sa kaniyang fiancee na si Neil Arce. Upang bawasan ang lumalagong buhok ng fiancee ni Angel na si Neil ay matiyaga itong shinave ng aktres gamit ang hair razor.
Noong Abril 14, nag-live ang aktres na si Angel sa kaniyang Facebook account upang ipakita sa kaniyang mga taga-hanga kung paano ang makabagong paraan ng paggupit ng buhok habang naka-quarantine sa loob ng ating tahanan.
Makikita sa video na seryoso at tila kina-career ni Angel ang paggupit sa buhok ni Neil. Samantalang si Neil naman ay tila sabik makita ang magiging resulta ng paggupit ni Angel sa kaniyang buhok. Gumamit naman si Angel ng isang maliit na towel na nakapatong sa ulo ni Neil upang maging basehan para maging pantay ang kaniyang paggupit sa buhok ni Neil.
May isang netizen naman ang pinuri si Angel at sinabi na may talento ito sa paggupit. Pabiro naman itong sinagot ng aktres at sinabi na: “Thank you naman. Tina-try ko. Baka kasi may soli-an ng singsing pagkatapos eh.”
Nang matapos na ang paggupit ni Angel kay Neil, at nakita na nila ang resulta, hindi man ganun kaperpekto ay nagkasundo naman ang dalawa na maganda at sakto lamang ang kinalabasan nito dahil na rin sa kakulangan ng mga kagamitan sa paggupit ng buhok na makikita sa loob ng kanilang tahanan.
Hindi ito ang unang pagkakataon na naging instant hairstylist si Angel ng kaniyang fiancee na si Neil.
Samantala, ang ilang celebrity rin kagaya nina Bianca Gonzales at Nikki Valdes ay ginupitan rin ang buhok ng kanilang mga partner ngayong panahon ng quarantine.