John Paul Guido Boucher Scherrer o mas kilala bilang John Regala ay nakilala sa industriya ng showbiz sa kanyang pagganap bilang kontrabida sa mga pelikula at teleserye noong 90’s.

Tinagurian rin siya bilang “Bad Boy” ng Pilipinas sa bawat action movies na ginawa na kung saan ay nakasabayan niya ang mga action star na sina Robin Padilla, Jeric Naval at Ace Vergel.
Kilala rin si John Regala bilang anak nina Mel Francisco at dating aktres na si Ruby Regala. Ngunit, kamakailan lamang nang nalungkot at labis ang pamimighati ni John dahil sa pagpanaw ng kanyang ina.

Nitong nakaraan nga sa kanyang naging panayam sa entertainment columnist na si Aster Amoyo ng Abante, makikita na labis ang kalungkutan sa mukha ng aktor. Ayon sa aktor, napakahirap ang mawalan ng isang ina. Sa kabila nang mapait na nararanasan niyang ito, bumuhos naman mula sa mga netizens ang pakikiramay at suporta sa pagpanaw ng kanyang ina. Ngunit, may mga netizens rin na nahabag sa kanyang kasalukuyang kondisyon na kung saan ay dumadaan sa hirap lalo na sa pinansyal na problema.

Alam naman ng nakararami na nawala na siya sa industriya sa trabaho niya bilang artista. Kaya naman wala siyang sapat na pera upang pantustos sa kanyang pang-araw-araw na pamumuhay.
Kaya bago pumanaw ang kanyang ina, nang ito’y malakas pa at naninirahan sa US, nais man niyang bumisita at dalawin ang mahal na ina upang maalagaan ito ay hindi niya magawa dahil sa kakulangan ng pera. Ngayon nga na nawala na ito, bukod sa kanyang nararamdamang kalungkutan at hinagpis, ay labis rin ang kanyang pagsisisi dahil sa mga huling sandali ng buhay nito ay hindi niya naparamdam ang pagmamahal sa kanyang ina.

Sa naging panayam, ang 54 taong gulang na aktor ay labis ang pighati sa nangyari kaya naman hindi ito makapagsalita ng maayos sa naging panayam habang nakaburol ang kanyang ina. Ang nasabing panayam rin ay naging tulay upang ipaabot niya ang kanyang mensaheng paghingi ng tulong sa GMA Network at ABS-CBN, lalong-lalo na kay Coco Martin upang siya’y tulungang mabigyan ng proyekto sa pag-aartista.

Kung sakaling mabigyan man siya ng proyekto, nais ng aktor na makapagsimulang muli sa buhay, kaya naman napakalaking tulong nito sa kanya kung mabibigyan ng pagkakataon.

Nagbigay rin ng mensahe si John sa mga netizens at kanyang sinabi na ipakita ang pagmamahal at pag-aalaga sa mga magulang habang sila ay nabubuhay pa sapagkat kapag dumating ang panahon na ang mga ito ay mawala na, hindi na nila mararamdaman ang pagmamahal na nais iparamdam at ibigay ng mga anak.
Samantala, ang mga netizens naman ay nagpaabot ng pakikiramay at pagsuporta sa dating aktor sa pagpanaw ng ina nito.