17-taong Gulang Na Estudyante, Nakapaglikha Ng Global Tracker Para Sa COVID-19

Ang COVID-19 ay isang pandemic virus o halos buong mundo na ang nakakaranas ng suliraning hatid nito sa mga tao. Sakit na kailangan nating harapin at labanan upang huwag kumalat at kung maaari ay iwasan para maibalik sa normal ang buhay ng bawat isa, at higit sa lahat ay maging ligtas sa virus ang bawat tao upang patuloy na mamuhay ng mapayapa sa mundo.

Ngunit ang suliraning ito ay hindi ganun kadali lalo na’t kapakanan ng buong mundo ang pinag-uusapan rito. Ang naturang sakit rin ay agad nakakahawa na kung saan ay palaki ng palaki ang bilang ng mga kasong nagpopositibo rito.

Bawat bilang at numero ay kinakailangang bigyan pansin dahil ang mga ito ay may mahalagang papel sa pagkalat at epekto ng COVID-19. Ang bawat numero ay nagsisilbing batayan ng kalagayan ng mga may kaso ng COVID-19, kaya naman ang mga doctor, researcher, scientist, media, gobyerno at maging mga netizens ay palaging nakaantabay sa mga numero upang kanilang makita ang mga bagong updates.




Kadalasan, dahil sa ating kagustuhan na makakalap ng detalye at updates tungkol sa mga bilang ng may kaso ng COVID-19, kung saan-saan pa tayo naghahanap na minsan ay hindi pala tugma o kaya naman ay walang tamang basehan. Ngunit, dahil sa isang 17 taong gulang na estudyante, ang paghahanap ng updates ay mas pinadali na. Ang estudyanteng ito ay nakapaglikha ng worlwide tracker para sa bilang ng may kaso ng COVID-19 na kung saan ay ginagamit na ng karamihan.

Sino nga ba ang mag-aakala na ang isang highschool student ay may kakayahan pa lang makagawa ng tracker sa website para mamonitor ang bilang ng kaso ng may COVID-19. Ang kahanga-hangang bata na ito ay si Avi Schiffman na mula sa Washington.

Ang layunin niya ay makapagbigay ng tama at tugmang detalye dahil marami ngang lumalabas na maling impormasyon na walang sapat na basehan. Ang estudyanteng nag-aaral sa Mercer Island Highschool ay naglaan ng anim na oras upang kanya pang mapabuti ang likhang website na ngayon nga ay halos milyon na ang gumagamit. Isa siyang “self-taught coder” na kadalasang sumasali sa hackathons, na naghahangad na isang araw ay may magawa siyang malaki para sa ikakabuti ng bagong henerasyon.




At ngayon nga, isang napakalaking tagumpay ang kanyang nagawa ang labis na makakatulong sa mga tao sa buong mundo. Nakakamangha ang kanyang likhang website, dahil sa isang tingin lang sa page ay agad na makikita ang mga bilang ng kaso ng COVID-19 sa buong mundo. Sinimulan niya ang website noong December 2019 nang magsimulang kumalat ang virus sa China. Nagbibigay ng updates ang website bawat sampung minuto matapos makolekta ang mga tamang impormasyon mula sa mga lehitimong sangay gaya ng World Health Organization, Centers for Disease Control and Prevention, at mga local heath department ng bawat bansa.

Ang website niya ay patuloy ang pagbabago ng impormasyon sa tulong na rin ng halos 125 emails na kanyang natatanggap araw-araw. Ang paraang ito ay nakapagdagdag ng impormasyon sa mga tao na nakarecover, matapos niyang makatanggap ng feedback na ang kanyang site ay may kakulangan pang detalye. Kaya naman mas pinabuti pa niya ang website kung saan naglagay na rin siya ng updates sa bilang ng mga taong may kaso na: seryosong kaso, maliban pa sa kumpirmadong kaso; mga kaso ng namatay at kaso naman ng mga nakarecover. Nais rin niyang magkaroon ng vaccine tracker naman pagdating ng panahon.




Sa pagdaan nga ng araw, sa tuwing nakikita niya ang pagbabago ng detalye araw-araw ay naghahatid ito ng lungkot at pangamba sa kanya. Ayon sa kanya, may ilang bansa umano na natutugunan ng maayos ang mga pangangailangan ng mga mamamayan, ngunit may ilang bansa naman na tila tinatago ang totoong bilang ng mga taong may kaso sa kanilang bansa upang hindi mag-panic ang mga tao.

“There are tons of countries under-reporting their numbers not to freak out their population,” pahayag niya.

Sa kabila naman nito, masaya umano siya na ang kanyang likhang website ay nakakatulong sa maraming tao, lalo na sa mga taong nais magtungo sa ibang bansa na naghahanap ng tamang impormasyon para sa kanilang kaligtasan.

narito at bisitahin ang kanyang gawang website. https://ncov2019.live/data