Ang edukasyon ang isa sa pinakamahalagang bagay sa mundo kung saan natututo at nalilinang ang kakayahan ng bawat isa.

Ito rin ang nagsisilbing daan upang mabago ang pamumuhay ng isang tao. Sabi nga ng ating mga magulang ang tanging maipapamana nila sa atin ay ang pag-aaral na kung saan ito ang magdadala sa atin sa tagumpay.
Ang ating mga magulang ay ginagawa ang lahat ng kanilang makakaya sa kabila ng kahirapan ng buhay upang mairaos lang nila ang ating pag-aaral upang tayo ay makapagtapos at magtagumpay sa buhay.
Kagaya na lamang ng pamilya ng tricycle driver at mananahi, na sa kabila ng kanilang mahirap na buhay ay nagawa nilang bigyan ng katuparan ang minimithing pangarap ng kanilang mga anak. Ang mga anak na nagsumikap sa pag-aaral ay nakapagpatayo na ng isang mansiyon para sa kanilang mga magulang, kasabay nito ay mabibigyan na rin nila ng magandang buhay ang kanilang mga magulang.

Sa isang viral post sa “Peso Sense”, isang Financial Literacy page sa facebook, ibinahagi ng kaanak ang kanilang nakaka-inspire na istorya ng tagumpay.
Isa sa kanilang anak ang nagbahagi ng kwento, kung saan isinalaysay niya na ang kanyang ama ay walang sariling tricycle samantalang ang kanyang ina naman ay kumikita lang kapag marami ang kanyang natahi. Ngunit sa kabila nito, napalaki sila nang maayos, naibibigay ang kanilang mga pangangailangan at higit sa lahat ay nagkaroon sila ng disiplina upang makapokus sa pag-aaral.
Sa kabila ng kahirapan ng buhay upang makatulong sa kanilang mga magulang, ang mga mapagmahal na anak ay pinasok ang pagiging working students para lamang makatuntong sa kolehiyo. Dahil naman sa kanilang determinasyon at pagpupursige, hindi sila nabigo na abotin ang kanilang pangarap na minimithi. Sa ngayon nga ay talagang lahat sila ay matagumpay na sa buhay.
“Ako po ay Electrical Engineer, ang pangalawa ay Civil Engineer, ang pangatlo ay Math teacher at ang bunso ay Mechanical Engineer. Sa tulong po ng dasal, tyaga at sipag, nakapasa din po kaming lahat sa board exam (1 take),” ayon sa nagbahagi ng kwento.

Bunga ng kanilang pagsusumikap, sipag, tiyaga at dasal ay naisakatuparan na nila ang kanilang pangarap. Ang mga propesyunal na anak na ito na may kanya-kanya ng trabaho, ay una nilang ipatayo ang napakagandang bahay para sa kanilang pamilya.
Ayon sa Electrical Engineer na nagbahagi ng kwento, noong araw raw ay nakatira lamang sila sa isang maliit na apartment at naranasan raw nilang matulog sa sala ng magkakatabi. Hindi naging madali sa kanila ang lahat habang sila ay lumalaki ngunit ngayong may kakayahan na sila, hindi lamang simpleng bahay ang kanilang ipinatayo kundi isang napakagandang mansyon para sa kanilang magulang na may nakalaang mga kwarto sa para sa bawat-isa.
“Eto po ay patunay na may Diyos. Nakikita nya ang lahat. Kailangan lang po nating manalig at sabayan ng tiwala, sipag at tyaga. Kaya po natin maabot ang lahat, kahit kapos, kahit mahirap. Salamat mga ka-PESO,” nakakainspire niyang pahayag.
Talaga nga namang kahanga-hanga ang pamilyang ito na sa kabila ng kahirapan ay nagtulungan bilang isang pamilya upang maabot ang pangarap ng kanilang mga anak na nagdala sa kanila sa maayos at matagumpay na buhay. Congrats!