Araw-araw ay maaari nating iparamdam ang ating pagmamahal sa ating mga mahal sa buhay, ngunit may isang espesyal na araw na talagang inaabangan nating mga Pinoy upang iparamdam ang pagmamahal sa bawat isa.

Ito ang Valentine’s Day o ang araw ng mga puso, kung saan isang espesyal na araw para sa mga umiibig. Ito ay nagsisilbing araw kung saan ipinaparamdam ang pagmamahal sa pamamagitan ng pagbibigay ng mga bulaklak at chocolates. Ngunit ang araw na ito ay hindi lamang para sa mga magkasintahan at mag-asawa kundi para na rin sa mga taong nais ipakita ang pagmamahal sa mga taong mahalaga sa kanila.

Ang espesyal araw na ito ay binigyang kulay ng komedyanteng si Jose Manalo nang kanyang surpresahin ang kanyang “special” na tagahanga ng isang Valentine’s Date.

Nagsimula ang lahat ng ideya ni Jose nang magkaroon sila ng subject tungkol sa mga special people na nagtratrabaho parin sa kabila ng kanilang condition, sa segment ng Eat Bulaga na “Bawal ang Judgmental”. Ang isa sa mga contestant ay naglakas loob umamin sa harap ng studio audience na ito’y may malaking paghanga sa komedyante at host na si Jose Manalo.
Ang hindi nag-atubili sa pag-amin ng kanyang paghanga kay Jose ay si JM, isang helper sa pharmacy. Isinalaysay ni JM na si Jose ang rason kung bakit masaya siya araw-araw sa pagtratrabaho sa kabila ng kanyang kondisyon. Naging emosyonal ang komedyanteng si Jose sa kwento na ito ni JM at napaiyak pa ang komedyante. Kaya naman upang pasalamatan at pasayahin ang tagahangang kagaya ni JM, sinurpresa niya ito ng isang special Valentine’s date.

Ang masayang kaganapang ito ay ibinahagi sa facebook page ng Eat Bulaga, kung saan walang kamalay-malay si JM sa surpresang nakahanda sa kanya. Ang walang-malay sa kaganapan na si JM ay sinundo ni Jose mula sa kanyang trabaho at inabutan pa ng napakagandang bouquet ng bulaklak ng kanyang celebrity crush.

Ngunit hindi pa rito nagtatapos ang surpresa sa kanya ni Jose dahil dinala pa siya nito sa isang restaurant upang doon masayang kumain at magkwentuhan. Maliban sa date na ito, binigyan rin ni Jose si JM ng isang regalo. Inabot ni Jose ang isang pulang plastic bag na naglalaman ng baseball hat.
Samantala, hindi maipinta ang labis na kasiyahan sa mukha ni JM sa hindi inaasahang Valentine’s date nila ng kanyang celebrity crush na si Jose. Noong unang pagpunta ni JM sa Eat Bulaga ay masaya na siyang makaselfie at makatabi ang kanyang crush, ngunit ngayong nakasama niya pa ito sa isang date ay wala na yatang hihigit pa sa kaligayahang kanyang nadarama.
Ang Valentine’s date na ito ay nagsilbi ring bahagi ng birthday celebration ni Jose. Dahil marami ang bumilib sa ginawang ito ni Jose, agad namang nag-viral sa social media ang post na ito ng Eat Bulaga at umabot agad ng 45,000 reactions, 2,000 comments, at 1,000 shares ang nakuha nito.
Hinangaan ng marami ang ginawang pagpapasaya ni Jose sa kanyang tagahanga kung saan masipag paring pumapasok sa trabaho sa loob ng walong oras na kung saan ay 3 taon na siyang nagtratrabaho sa naturang pharmacy.
Ang ilang netizens ay nag-iwan ng komento sa nasabing facebook post.
“Maraming beses ko pinanood ang episode na ito. Sobrang saya ni JM. Walang katumbas ang saya niya dahil mayroong isang Jose na nagpapasaya sa kanya”