Ang gulay ay isang biyayang bigay ng kalikasan sa atin kung saan ito ay maraming benepisyo. Ang gulay ay mga pagkaing may sapat na sustansiya na kailangan ng sistema ng ating katawan.

Kailangan natin ito dahil nakakatulong ito upang pagandahin ang ating katawan para maging malusog at malayo sa anumang sakit.
Nakagawian na natin na ang gulay ay niluluto upang makain, ngunit sa larawan na pinost sa Facebook page na “Magsasaka Mabuhay Ka”, hindi ito ginamit bilang isang pagkain sa halip, ginawa itong isang kasuotan. Marami ang namangha dito dahil napakamalikhain ng nakaisip ng desinyo ng kasuotan kung saan gumamit ng ibat-ibang klase ng gulay upang mabuo ang costume. Napakagandang pagmasdan ng costume na gawa sa gulay habang nakasuot sa batang babae.

Ang damit nito ay pinagdikit-dikit na tangkay ng kangkong kung saan nagmistula itong bestida kung pagmamasdan dahil sa ibabang bahagi nito ay ang talbos ng kangkong. Samantalang ang ginawa namang “strap” ng kanyang kasuotan ay mga talbos naman ng ampalaya. Ang kanyang kasuotan ay sinamahan rin ng isang headband na may ribbon sa gitna kung saan nakasuot sa kanyang ulo at ang bandang taingang bahagi ng headband ay nilagyan naman ng dahon ng malunggay.

Mas lalo pang naging maganda ang disenyo ng kanyang kasuotan dahil sa bitbit niyang basket na may laman na ibat-ibang klase ng gulay tulad ng malunggay, talong, okra at karot.
Bagamat hindi nabanggit kung anong pagdiriwang ang dinaluhan ng munting bata gamit ang malikhaing costume, marami paring mga netizens ang namangha at bumilib sa gumawa ng costume na isinuot naman ng batang babae nang may ngiti sa mga labi.

Narito ang ilan sa mga naging komento at reaksyon ng mga netizens:
“Ang husay talaga ng pakinabang ng gulay mantakin mo masustansya na naidadamit pa”
Pagpuri ng isang netizen.
“Cute ng batang ito .Ginawang damit ang gulay. Ibigay mo na sa akin lahat yan pagkatapos ng pictorial mo iha. Mailuto naman ‘yan”
Ang puna naman ng isa pang netizen.
“Ang galing namang idea ‘yan, at ‘yong bata ang galing din magdala ng suot niya. Ngiti niya, mapapangiti ka rin.”
Talagang kinagiliwan ang post na ito ng mga netizens na tuwang-tuwa sa munting bata habang suot ang costume kaya naman umabot na ito ng 4.6K reactions at 542 shares.