Pelikula Ni ‘Doc Willie Ong’ Itutulong ang Kikitaing Pera sa mga Kapos-palad

Kilalalang dalubhasang doktor, matulungin sa mga may sakit at bukas ang palad sa mga mahihirap. Sino nga ba ang hindi mapapahanga ng nag-iisang Doc Willie Ong , resident doctor ng programang “Salamat Dok” kung saan ang pangunahing layunin ay magbigay ng impormsyon patungkol sa tamang pangangalaga sa kalusugan.



Ipinanganak siya noong October 24, taong 1963 anak ng mag-asawang Yong at Juanita Tan Ong. Nag-aral at nagtapos ng Doctor of Medicine degree sa De La Salle College Medicine, Cavite. At sa ngayon ay nagtatrabaho bilang Cardiology Consultant sa Manila Doctor Hospital at Makati Medical Center.

Sa kabila ng mataas na estado sa lipunan, tunay na palaging bukas ang makamasang doktor sa mga payong pangkalusugan at pagbibigay ng mga libreng medical mission. Hindi maitatangging may puso siya bilang isang public servant.

Sa katunayan, nitong nakaraang 2019 Election lang ay ninais niyang higit na makatulong sa nakakarami sa pamamagitan ng adhikaing maging kabahagi ng Senado. Dala dala ang layunin na higit pang mapaglingkuran ang libo-libong mamayang Pilipino, nagnais si Doc Willie na maihalal bilang isa sa pinakamataas na posisyon sa ating bansa.

Bagamat natalo at hindi pinalad pagdating sa larangan ng pulitika, hindi nito napigilan ang pangarap ng butihing doktor na makatulong sa kapwa Pilipino.



Sa katunayan isasapelikula na sa susunod na taon ang kanyang istorya na magpapakita ng mga pagsubok na pinagdaanan. Upang maging inspirasyon sa nakakarami lalo na sa mga taong nawawalan na ng pag-asa sa buhay, “Layunin ng Movie ay magbigay ng inspiration sa mga depressed ‘tulad ko dati’ at nawawalan ng pag-asa sa buhay” ayon pa sa batikang doctor.

Masayang ibinahagi ng butihing Kapamilya doctor, na nagdiwang din ng kanyang ika-57 kaarawan ngayong buwan, sa kanyang social media account ang mga teaser ng kanyang pelikula. Isa nga dito ay ang dating larawan nila ng kanyang maybahay na si Doktora Lisa Ong at ipinagkumpara pa sa litrato nila Hero Angeles bilang batang Doc Willie at si Rachelle Ricketts naman ang batang Doktora Liza. Samantala ang gaganap na matandang Doc Willie ay ang batikang aktor na si Rey PJ Abellana at si Mariz Ricketts bilang matandang Doktora Liza.

Sa kabilang banda ayon kay Doc Willie ang lahat ng magiging kita ng kanyang pelikula ay itutulong sa mga may sakit at mahihirap. “Lahat ng kikitain namin sa movie ay itutulong… Kung papalarin ng Diyos ay makaka-raise tayo ng funds. Lahat ng paghihirap at pagsubok ko ay ilalabas natin para matuto ang iba sa istorya. Walang papogi. Salamat sa Diyos sa paggabay sa atin. Salamat kay Reli De Leon, commissioner ng Philtracom sa pagproduce ng movie,” pasasalamat pa ni Doc Willie.

source: kickerdaily