Makalipas ang maraming taon muling nagbabalik ang paboritong almusal ng mga batang noong 70s ang masustansiyang tinapay na “Nutribun.”
Pero hindi gaya ng dating nutribun may kakaiba din “twist” ang bagong bersiyon ng Marikina’s Nutribun dahil sa bukod na natural na sangkap nitong itlog at harina, nilagyan ito ng masustansiyang gulay tulad ng kalabasa at malunggay.
Nitong Oktubre 16, muling natikman ng “millennial student” sa lungsod ng Marikina ang pamosong tinapay na naging paborito ng marami noon. Nagpamahagi ng libreng nutribun at isang basong gatas ang lokal na pamahalaan sa mahigit isang libong mag-aaral ng Parang Elementary. Sa mga larawan na ibinahagi online ay makikitang tuwang-tuwa ang bata habang kinakain ang kanilang nutritious breakfast.
Sa pangunguna ni Marikina Mayor Marcy Teodoro naging matagumpay ang nasabing programa na naglalayon na bigyang tugon ang nutrisyon ng mga mag-aaral. Sa nasabing feeding program bibigyan ang mga mag-aaral ng libreng nutribun at isang baso ng gatas araw-araw sa loob ng 120 na araw. Layunin din nila na maibahagi ito sa 21,000 public school students sa buong lungsod.
Ayon sa pahayag ni Mayor Teodoro, “Titingnan natin ang kanilang grades at performance after 120 days kung nag-improve sila sa pag-aaral. Ayon kasi sa mga pag-aaral, may relasyon ang tamang nutrisyon sa performance sa pag-aaral ng mga bata”
Base naman sa datos na kanilang nakalap, halos lahat ng mag-aaral ngayon ay napipilitang pumasok ng wala pang kinakain tuwing umaga na nagiging dahilan sa hindi nila pagiging produktibo sa paaralan at nagiging rason sa pagkakaroon ng mababang grado.
At dahil sa muling pagtaas ng bilang ng malnutrisyon sa ating bansa lalo na sa Marikina inilunsad ang “Breakfast First” kung saan muling bibida ang 70s Nutribun na ang mga mag-aaral sa pampublikong paaralan ang makakabenepisyo sa nasabing programa. Kabilang na nga dito ang mga mag-aaral ng Parang Elementary School.
Binigyang diin naman ng principal ng Parang Elementary School na si Ginang Marciana De Guzman ang kahalagahan na makapag almusal ng tama at masustansya ang mga estudyante dahil dito sila kukuha ng lakas para sa buong maghapon aralin.
“Pagpasok pa lang ng mga bata, seven in the morning, unang ibibigay ng teachers ‘yong nutribun at gatas sa kanila,. Mahalaga kasi na ang almusal nila ay nutritious dahil ang breakfast is the most important meal,” saad niya
Inaasahang magiging epektibo at matagumpay din ang “Breakfast First” program ng Marikina City katulad ng tinamong tagumpay ng “Oplan Timbang” ng Administrasyong Marcos na naging solusyon noong mataas ang malnutrition rate sa buong Pilipinas.
Bukod pa sa big comeback ng Nutribun, magsasagawa din ang lungsod ng mga libreng seminar para sa mga magulang na magtuturo sa kanila ng kahalagahan ng tamang nutrisyon ng kanilang mga anak.