Balik Tanaw Sa Natatanging Galing At Ganda Ng Beteranang Aktres Na Si ‘Hilda Koronel’

Pangkaraniwan na sa isang artista na magtaglay ng magandang mukha na siyang kalimitang hinihingi para makapasok sa mundo ng showbiz. Subalit ang magtaglay din ng husay pagdating sa pag-arte ay tunay na makakadagdag pa ng karisma sa mga manunuod.



Sa edad na 13 taong gulang ng pasimulan ni ‘Susan Reid’ o mas kilala natin sa kanyang screen name na ‘Hilda Koronel’ ang pagpasok sa makulay na mundo ng showbiz. Sa kabila ng murang edad agad niyang napabilib at napahanga ang marami sa galing sa harap ng lente ng kamera.

Sa katunayan, sa unang sabak pa lamang niya sa kanyang pinaka-kauna unahang proyekto noong taong 1970 umani na kaagad ang batang aktres ng parangal. Ginawaran siya ng pamosong Filipino Academy of Movie and Arts Award bilang ‘Best Supporting Actress’ sa natatanging pagganap niya bilang Cristina sa 70s Movie na “Santiago”.



Pagkatapos noon, dumami na ang alok na pelikula sa magaling na aktres ilan nga dito ay ang “Maynila sa Kuko ng Liwanag” kung saan nanominate siya bilang Best Actress, “Santa Santita” kung saan wagi siya bilang Best Supporting Actress sa Gawad Urian.

Samantala nagkamit din siya ng parangal bilang Best Supporting Actress sa taunang Metro Manila Film Festival sa pelikulang “Crying Ladies” sa ilalim ng Star Cinema. Kung saan nakasama niya ang mga batikang aktres na sina Sharon Cuneta at Angel Aquino.

Bukod pa sa mga pelikula bumida din ang award winning na aktres sa telebisyon kung saan pinatunayan din niya ang angking galing sa pag-arte.



Naging bahagi siya ng Kapamilya primetime teleserye na “Esperanza” at “Mula sa Puso” na talaga naman tumatak sa mga manunuod.

Sa kabilang banda naging Kapuso din ang 62 taong gulang ng aktres ng gumanap siya bilang Alicia Montemayor sa teleseryeng “Kung Mawawala Ka” na pinagbidahan nila Sunshine Dizon at Cogie Domingo.

Samantala patuloy pa rin ang paghanga sa aktres kahit na iniwan na niya ang mundong dating kinagagalawan. Sa katunayan may mga tagahanga pa rin ang hindi maiwasang alalahanin ang panahon kung saan napapanuod pa nila ang iniidolong artista.

Sa kasalukuyan ang “The Mistress” na aktres ay masayang masaya sa piling ng kanyang pamilya ngayon, kasama ang mga mahal sa buhay na namumuhay ng malayo sa kinang ng showbiz na minsang nagsilbing tahanan niya.