Pinakamaliit na Sasakyang Lumilipad, Naimbento ng Isang Pilipinong Hip- Hop Dancer

Sa pag-inog ng mundo at pagdaan ng mga siglo, patuloy na umuusbong ang teknolohiya. Kaliwa’t kanang imbensyon ang nagagawa ng mga tao na talaga namang kapaki-pakinabang sa pagpapadali ng buhay sa modernong panahon.


Ilan sa mga imbensyong ito ang nagpapabago sa galaw ng buong mundo, gaya na lamang ng mga robots, smartphones, drones, laptop at handheld computers, at iba pa na siyang humahalili sa ngayon sa mga mano-manong gawain sa matandang panahon. Talagang napakatalino ng tao, sapagkat tayo mismo ang gumagawa ng solusyon upang magampanan natin ang ating mga pang-araw araw na pangangailangan at maging mas mapadali pa ito gamit ang mas umuusbong na teknolohiya.

Kaliwa’t kanan ang matatalinong imbentor sa kasalukuyan, subalit hindi rin matutumbasan ang mga imbentor noon na silang naging batayan ng mga imbensyon sa modernong panahon. Gaya na lamang ni Thomas Edison na siyang imbentor ng electric light bulb, phonograph at motion picture camera.

Maging ang imbensyong elektrisidad at Franklin stove ni Benjamin Franklin ay napakahusay din. Isa pang imbensyon na steam engine ni James Watt. Napakaesensyal rin ng imbensyon ni Alexander Bell na pinakaunang praktikal na telepono. At hindi pahuhuli ang imbensyon ni Galileo Galilei na telescope.


Bantog ang mga banyagang imbentor na nabanggit, sa buong mundo, ngunit ang ating bansa rin ay hindi matatawaran ng mga mahuhusay na mga imbentor na talaga namang lokal na lokal at maipagmamalaki.

Noong 1975, inimbento ni Roberto del Rosario ang Karaoke. Noong 1941 naman naimbento ang medical incubator ni Fe del Mundo. Samantalang taong 1955 naimbento ni Gregorio Zara ang video phone at hindi pahuhuli ang imbensyong computer microchips ni Diosdado Banatao noong taong 1972.

Nito lang naimbento ni Kyxz Mediola at matagumpay na naipalipad ang kauna-unahang pinakamaliit na lumilipad na sasakyan o tinatawag niyang drone car. Naimbento niya ito dulot sa pagkahilig niya sa konsepto ng lumilipad na sasakyan at hoverboards.

Nahahalina siya sa kanyang mga natutunghayan na mga sasakyang panghinaharap sa mga napapanood na mga pelikula at pinangarap na sa isang araw ay makagawa siya noon.

Determinadong matupad ang kanyang pangarap, ay lubos na pinag-aralan ni Kyxz ang dinamiko ng sasakyan. Ginugol niya ang kanyang oras at tiyaga sa pag-aaral dito. Gamit ang drone ay inobserbahan niya ang paglipad nito at matagumpay rin siyang nakagawa ng hoverboard noong nakaraang taon.


Hindi nagpapigil si Kyxz kahit na wala siyang ideya sa engineering. Isa siyang miyembro ng isang sikat na Hip-Hop Dance group na Philippine All Stars. Ang karamihan sa kanyang mga kita at ipon sa kanyang pagsasayaw ay napunta sa kanyang pinangarap na proyekto. Subalit dahil sa kakulangan ng malaking pondo ay hindi niya nabili ang pinakamagandang mga motor para dito para sa mas matagumpay pa sanang obra.

Inilahad niya sa kanyang Instagram post nito lang ang kanyang bagong obra na lumilipad na sasakyan. Gawa ito sa carbon fiber at nagtataglay ng kalidad na mga motor. Hindi maitatanggi ang kagandahan nito at lubhang kamangha-mangha.

Si Kyxz ay nagsisilbi ngayong inspirasyon sa mga ordinaryong tao na gumawa ng isang katangi-tanging obra maestra. Lulan ng determinasyon, pagkahilig at tiwala ay makakamit natin ang ating mga pinapangarap sa buhay.


Marapat lamang na palawakin nating lubos ang ating imahinasyon upang sa gayo’y makalikha tayo ng isang kagila-gilalas na imbensyon na magiging bantog sa buong mundo at magpapamalas ng ating angking galing at katalinuhan.

Tunghayan dito ang Video: