Tayo ang gumagawa ng ating kapalaran. Minsan lang tayo mabuhay sa mundong ito kung kaya’t lubos-lubusin na natin ito. Sa katanuyan ay in na in na kung tawagin ngayon ng mga millennials ang YOLO or You only live once.
Bilang isang nilalang na binigyan ng pagkakataong mabuhay sa mundong ibabaw ay malaya tayong nakakapag desisyon para sa ating mga sarili. Malaya tayong magmahal, masaktan, umiyak, tumawa at piliin kung anong klaseng buhay ang nais nating maranasan.
Gayunpaman, mas masarap ang buhay kapag ang lahat ay masaya, nagtutulungan at nagmamahalan sa kabila ng maraming problema. Ang pamilya ang isa sa napakaraming biyaya na ibinigay sa atin ng Panginoon upang mas maging makabuluhan ang ating buhay.
Nakaugalian na nating mga Pinoy na ang mga magulang ang naghahatid sa‘tin sa araw ng kasal. Ngunit minsan ay may mga pagsubok na dumarating sa’ting buhay na kapupulutan natin ng aral at inspirasyon upang mas lalong tumibay ang samahan ng ating pamilya.
Katulad na lamang sa kwento ng isang bedridden na tatay matapos natupad ang munting kahilingan nitong mahatid ang anak sa altar sa araw ng kasal nito. Nagpaantig sa puso ng maraming netizens nang ibinahagi ni Charlotte ang kwento sa kanyang social media account.
Ang nais lamang ng tatay na si Pedro Villarin ay maihatid ang paboritong anak sa altar habang nakakapiling niya pa ito.
Dahil sa hindi inaasahang ma-diagnose ang tatay na may malubhang karamdaman, nagpabalik-balik sa hospital ang mag-anak upang maipagamot ang kanilang tatay. At dahil sa kagustuhan nitong maabutan ang pinaka-espesyal na araw ng kanyang anak ay agad-agad na nagpakasal ang dalawang magkasintahan.
“Ako kasi ang pinakapaboritong anak ni tatay kaya ganoon na lamang ang kagustuhan nitong mahatid ako sa altar,” kwento ni Charlotte sa Coconuts Manila.
“Kumuha pa kami ng ambulansya at private nurse sa araw mismo ng kasal. Sa sobrang sakit ng pakiramdam niya ay kinarga namin siya sa stretcher,” maluha-luhang kwento ng bride.
“Pero sobra siyang nagsakripisyo noong araw na iyon. Tiniis niya ang hirap at sakit na nararamdaman mairaos lang ang aking kasal. At buong puso akong nagpapasalamat sa Panginoon sa mga sandaling iyon.”
Halos lahat ng bisita ay umiiyak habang ‘naglalakad’ ang mag-ama palapit sa altar habang hila-hila ng mag-anak ang stretcher ng tatay. At nang yumuko na ang bride upang halikan ang ama ay mas lalong bumaha ng mga luha ang madla.
Nakunan ng Law Tapalla Photography ang mga sandaling iyon, pati na rin ang ‘dad bond’ ng Tatay Pedro at ang tatay ng groom.
Umani naman ito ng mga komentaryo galing sa mga netizens na ayon sa kanila, ipinaubaya na ni Tatay Pedro ang kanyang obligasyon bilang ama sa tatay ng groom.
Marami ang naantig sa ipinakitang pagmamahal ng isang ama sa kanyang anak nang naging viral ito sa social media.