Inakala ng mga Turista na mga Tupa ang Kanilang Nakikita, Nang Makalapit ang Barkong Sinasakyan, Laking Gulat nila na mga Rare Arctic Animals pala ang mga ito

Naglalayag ang mga turistang ito sakay ng isang cruise ship nang masaksihan nila ang pambihirang tanawin at karanasan habang napadaan ang kanilang barko sa isa mga tagong lugar sa buong mundo.



Noon umpisa, inakala ng mga turista na ang nakikita nila sa may dalisdis ng burol ay mga tupa lamang. Ngunit nang makalapit sila sa islang iyon, napuna nila na hindi pala iyon mga tupa kundi ay ibang uri ng hayop na napakabihira lamang makita.

Ang mga puting imahe na kanilang nakita sa malayo ay mga puting oso pala na tinatawag na "polar bears." Ang daang-daang mga osong ito ay pinagpi-piyestahan ang labi ng isang balyena na inanod sa may dalampasigan ng Wrangel Island sa may hilagang bahagi ng karagatang Artiko ng Northeastern Siberia.





Naakit ng balyenang ito ang daang-daang pamilya ng mga oso na makikitang kasa-kasama pa ang mga anak nito.

"Halos 230 ang bilang ng makikitang puting oso kabilang na ang mga walang kapares na lalaki at babaeng oso. Ngunit mas kapansin-pansin ang mga inang oso na may kasa-kasamang batang oso na kalimitan ay higit sa apat ang bilang," inilahad ng tagapagsalita ng Wrangel Island Nature Preserve.

Ayon sa mga mananaliksik, tinatayang 25,000 na mga polar bear ang pangkalahatang bilang na nabubuhay sa kanilang natural na tahanan. Kaya naman tuwang-tuwa ang mga turistang ito dahil nakita nila ang halos isang pursyento ng populasyon ng mga puting oso sa buong mundo na nasa isang lugar lamang.

Ang napakabihirang pangitain ng mga osong ito na makikitang malusog na kumakain ay talaga nga namang nakakatuwang karanasan.



Dahil sa global warming o pagbabago sa klima ang isa sa mga pangunahing dahilan kung bakit nasisira ang tahanan ng mga puting osong ito. Ang pagkatunaw ng mga yelo sa karagatang Artiko ang nagdudulot ng kawalan sa nakukuhang pagkain ng mga oso.

Nawawalan sila ng pagkain at nagiging dahilan kaya naman madami ang nasasawi sa mga ito dahil sa gutom tulad na lamang sa nag-viral na larawan ng isang polar bear na nagkakalkal ng basura para lamang makakain sa isla ng Somerset.

Ayon sa mga mananaliksik sa "Polar Bears International," sinasabi nila na ang mga puting oso na ito ay maaaring maubos na lamang ang bilang pagdating ng taong 2100 sa kanilang natural na tahanan kapag walang gagawing hakbang para mapabagal at maibsan ang global warming.

Sa ngayon, makikita na ang mga puting oso na ito ay hindi pa nagkakaroon ng problema sa kanilang paghahanap ng pagkain.

Napakapalad ng mga turistang ito dahil nakaranas sila ng magandang tanawin at sa kanilang paglalayag sa dagat. Kung nais niyong makatulong para sa konserbasyon at preserbasyon ng mga hayop na ito, maaari kayong bumisita sa Polar Bears International.

Anong masasabi niyo sa mga puting oso na ito? Ibahagi ang inyong reaksyon sa artikulo na ito.



Please follow and like us:

Related Post